Pinas sumikwat ng 2 gold sa Hong Kong

DALAWANG ginto ang nasungkit ng national track and field team at apat na pilak na medalya sa 2012 Hong Kong Inter-City Athletics Championships na idinaraos sa Tseung Kwan O Sports Ground.

Si Narcisa Atienza, ang Southeast Asian Games veteran ang nanguna sa ratsada ng national team makaraang sumungkit ng gold at dalawang silver sa paboritong events.

Bumanat muna ng gold medal si Atienza sa women’s high jump competition nang magtala ng impresibong 1.73 metro distansiya sapat upang patumbahin ang silver medalist na si Yeung Man Wai ng Hong Kong na may 1.68 metro at Yo Xiaozhen ng China na may inilagak na 1.65 metro.

Nakuha ni Laos SEA Games champion Rosie Villarito ang ikalawang gintong medalya ng Pilipinas nang magreyna sa women’s javelin throw event ng torneong nilahukan ng malalakas na koponan sa Asya kabilang na ang powerhouse China, Japan, South Korea, Chinese-Taipei at Thailand.

Nakapagtala si Villarito ang 48.48 metro para sa gold habang sumegunda si Atienza na may naibatong 43.68 metro kasunod sa ikatlong puwesto si Lau Hei Ting ng Hong Kong na may 36.90 metro.

Tumirada si Atienza ng pilak na medalya sa women’s shotput event sa bisa ng kinamadang 11.67 metro habang nanguna si Ho Yin Chiu ng Hong Kong na may 12.08 metro na nairehistro. Nakamit ni Chan Yuen Ting ng Hong Kong ang bronze medal.

Nagdagdag naman ng tig-isang pilak na medalya si five-time SEA Games champion Rene Herrera at Loralie Sermona sa kani-kaniyang events.

Sumegunda si Herrera sa men’s 3,000-meter taglay ang 15 minuto at 1.73 segundo habang napasakamay ni Mun Jeong Ki ng South Korea ang unang pwesto tangan ang 14:59.41. Ang ikatlo ay nakamit ni Li Han-Hsuan ng Chinese-Taipei na may 15:37.87.

Si Sermona sa kabilang banda ay nagsumite ng 50.23 metro sapat para kubrahin ang pilak sa women’s hammer throw na pinangunahan ni Kang Na Ru ng South Korea na may 57.42 metro. Tumersera si Renee Kelly Casier ng Malaysia na may 44.59 metro.

Pumang-apat lamang si Manuel Lasangue Jr. sa men’s high jump (2.09 meters) habang si Isidro del Prado Jr. ay nasa ikaapat sa men’s 200-meter (22.31 seconds) at ikapito sa 400m (49.95 seconds). Ikalima naman si Benigno Marayag sa men’s long jump (7.28m) at ikalima rin si Gusti Pido sa men’s javelin (62.53m).

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply