PNoy binigyan ng bagsak na grado ng mga obispo

BINIGYAN ni Lingayen-Dagupan Archbishop Oscar Cruz ng bagsak na grado ang Pangulong Aquino sa dalawang taon nitong panunungkulan bilang pangulo ng bansa.

Ayon kay Archbishop Cruz, tulad ng nagdaang SONA, tiyak na mala-langit ang Pilipinas sa gagawing paglalarawan ni PNoy hinggil sa mga nagawa niya sa bansa na kung tutuusin ay napakababa ng kanyang performance sa expectation sa kanya ng publiko.

Binigyan diin ni Archbishop Cruz na bagsak ang grado ng Pangulong Aquino dahil sa kawalan ng kakayahan na sugpuin ang kreminalidad sa bansa at ang kawalan nito ng political will para sa pagsusulong ng peace talk sa mga rebeldeng NPA.

Bagsak na grado rin ang ibinigay ng Arsobispo kay PNoy sa usapin ng poverty alleviation dahil hindi naman nararamdaman ng mga mahihirap ang CCT program nito.

Bagsak din ang marka ni PNoy kay CBCP-Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People Maasin Bishop Prescioso Cantillas.

Sinabi ng Obispo na hindi maayos ang pamamahala ni PNoy sa ekonomiya at job creations sa bansa dahil patuloy na tumataas ang bilang ng mga Pilipinong nagta-trabaho sa ibang bansa kumpara sa mga nakalipas na administrasyong Arroyo at Estrada.

Aniya, may 1.4 milyong pinoy ang umaalis ng bansa kada taon sa ilalim ng administrasyong Aquino habang isang milyong pinoy ang umaalis sa bansa noong administrasyong Arroyo at .84 lamang sa administrasyong Estrada.

Tiniyak ni Bishop Cantillas na hanggat hindi natutugunan ng pamahalaan ang kawalan ng trabaho,pagpapalago sa ekonomiya at human trafficking ay patuloy ang migration ng mga pinoy sa abroad para magbakasakali.

Nais naman marinig ni Sorsogon Bishop Arturo Bastes sa SONA ng Pangulong Aquino ang mga programa nito kaugnay sa paggalang sa buhay at pagsawata sa extra-judicial killings sa bansa.

“I want to hear from Pnoy his program on respect for life,no more killings,no more extra-judicial killings.We should do something to address the situation.Of course poverty,pangunahing problema ito,”pahayag ni Bishop Bastes sa panayam ng Radio Veritas.

Zero naman ang grado ni Sister Stella Matutina,secretary general ng Panalipdan Mindanao kay Pangulong Aquino.

Ayon kay Sister Matutina, walang kasagutan ang pangulong Aquino sa kanilang panawagan na mining moratorium sa Mindanao at wala ding pangil ang Executive Order 23 o Total Log Ban nito bunsod ng lalo pang lumaganap ang illegal logging operations sa rehiyon.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply