PNoy pinasalamatan ang China sa P5.2-B proyekto sa patubig

MADARAGDAGAN na ang bilang ng mga tahanang mahahatiran ng malinis na tubig at matitigil na rin ang walang tigil na pagkaaksaya ng tubig dahil sa mga pagtagas.

Ayon kay Pangulong Benigno S. Aquino III, pinasalamatan niya  ang People’s Republic of China sa pondo at tulong ng kahusayang Tsino sa pagggawa at pagtapos ng proyekto sa tubig.

Sa naging talumpati  ng Pangulong Aquino sa pasinaya ng ikalawang yugto ng Angat Water Utilization and Aqueduct Improvement Project (AWUAIP) ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa La Mesa Dam Portal sa Lungsod ng Quezon Martes, sinabi ng Pangulo na sa pagtutulungan ng mga magkakapit-bansang katulad ng Tsina, higit na madaling matatapos ang mga proyektong katulad nito.

“Nagpapasalamat po tayo sa pondong ipinagkaloob ng bansang Tsina upang maisakatuparan ang mahalagang proyektong ito,” ang pahayag ng Chief Executive.

“Tunay nga pong sa maigting na ugnayan ng magkakaratig-bayan, higit na mabilis nating matutugunan ang mga problema at higit na mapaglilingkuran ang ating mga kababayan,” anito.

Tinuran pa nito na kaisa ng buong daigdig ang Pilipinas sa hangaring magkaisa ang lahat ng bansa upang matamo ng bawa’t tao, bawa’t komunidad at bawa’t bansa ang pitagan at dangal na karapat-dapat sa kanila.

“Kaisa natin ang buong mundo sa ating adhikaing isang daigdig kung saan ang bawa’t tao, bawa’t komunidad at bawa’t bansa ay iginagalang at kinikilalang may likas na dangal,” diing pahayag ng Pangulong Aquino.

Ang AWUAIP ay itinayo sa halagang P5.2 bilyong pondo buhat sa Preferential Buyer’s Credit ng China Export-Import Bank.

Natapos ang proyekto walong buwan bago ang itinakdang iskedyul dahil sa maayos na pamamahala ng MWSS sa kontrata at sa mahusay na methodology ng kontratistang China International Water and Electric Company.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply