PNoy, Pinoy ayaw sa Chacha

HINDI napapanahon ang Charter Change (Chacha). ‘Yan ang tama sa desisyong binitiwan ni Pangulong Noynoy Aquino dahil malinaw namang walang interes ang sambayanang Filipino sa pag-amyenda ng Saligang Batas ng bansa at wala namang matibay na rason para gawin ito ng estado.

Ito ang nakikita nating matibay na rason sa pahayag ni PNoy na “no to Cha-cha” dahil malinaw naman sa mga nangyayari sa bansa na nasa tamang daan ang estado tungo sa inaasam nating pag-unlad lalo na sa usapin ng ekonomiya.

Ang aspetong pang-ekonomiya kasi ang palaging inirarason ng mga gusto ng Cha-cha dahil ito raw ang kailangan para umasenso ang Pilipinas at makasabay sa ibang karatig-bansa nito sa Asya.

Malinaw namang unti-unti nang  umaasenso ang Pilipinas at iyan ay dahil bumalik na ang tiwala ng investors sa bansa, maging ang mga dayuhan, at ito ay ipinakita na rin ng iba’t ibang banyagang nagtataaa sa kakayahan ng bawat bansa sa ekonomiya na paangat tayo ng paangat kumpara sa ibang estado sa mundo.

Malinis na gobyerno ang naging susi ng pamahalaang Aquino para makuhang muli ang tiwala ng foreign at local investors na mamuhunan sa ‘Pinas kaya’t walang dahilan pa para galawin ang probisyong pang-ekonomiya ng umiiral na Saligang Batas.

Malinaw din na tumaas ng 6.4 percent ang GDP ng bansa ngayong 1st quarter ng taon nang hindi inaamyendahan ang Konstitusyon kaya’t matibay ang ekonomiya ng estado.

Maging ang pangangailangan umano sa Cha-cha para maproteksiyunan ang teritoryo ng Pilipinas ay hindi rin kailangan dahil naniniwala tayong sa diplomatikong pamamaraan pa rin ito mareresolba.

Pagkakaisa at tuwid na pamumuno sa estado ang kailangan ng bansa at hindi Cha-cha na alam naman nating pulitika lamang ang pangunahing rason ng mga tagapagsulong nito, lalo na ang mga trapong politiko na ang hangad ay manatili sa pwesto nang walang limitasyon.

###

Buo ang akala ng United Nationalist Alliance (UNA) na nakauna na sila sa labanang senatorial sa darating na 2013.

Nauna kasi ang kanilang press release na isa sa kanilang pambato para sa darating na senatorial election ang ilang personalidad na kasama ngayon sa LP-NPC at NP coalition. Maging ang political analyst ng bansa ay nagulat sa diskarteng ito ng UNA na pinamumunuan nina VP Jojo Binay at dating Pangulong Erap Estrada dahil kilala silang mga dalubhasang politiko.

Dapat alam ng 2 lider ng UNA na walang nakasisigurong kanya ang isang politiko hangga’t di pa natatapos ang filing of candidacy na siyang nagseselyo sa kandidatura ng isang tao kung kanino ito kaalyado.

Tiyak na marami pang darating na delubyo sa UNA at iyan ay aabangan ng madla dahil mukhang napaaga ang kanilang pagpapapogi sa taumbayan.

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply