Politika at pelikula

NAGLABAS na ng posibleng kandidato sa pagka-senador ang LP-NP-NPC at PMP-PDP LABAN (UNA) pawang mabibigat at kilala sa pulitika ang nasa listahan. Ilan ay mga reelectionist senator at ang iba ay kamag-anak ng kasalukuyang nakaupo. Kahit sa lokal na lebel ay ganoon din ang pagpili ng kandidato. Sikat o kaya kaanak ng mga nakaupong politiko.

At bakit nga ba kung ang mga taong ito ang llamado sa laban at malaki ang pag-asa na manalo.

Bihira o kaya wala kang maririnig na ang basehan ng pagpili ng kandidato ay dahil galing siya sa sektor ng manggagawa, mga guro o magsasaka o urban poor kung saan nandoon ang bulto ng botante. Bakit nga ba?

Una ay ang election sa Pilipinas ay personality-based. Mas sikat o kilalang personalidad mas malaki ang pag-asang manalo. 12 senators ang iboboto at ang ordinaryong botante ay iboboto ang taong kaagad niyang maaalala ang pangalan. Dahil automated ang halalan, ang pangalan na kilala agad ay malamang iboboto agad. Mahirap manalo sa isang halalan ang taong hindi kilala o nagpapakilala pa lamang kahit na mas mahusay siya o mas mabigat ang credentials niya kaysa sa sikat na tao.

Para ipakilala ang isang hindi kilala sa larangan ng pulitika ay milyon na ang gagastusin.

So, kung ikaw ang nasa partido, bakit ka pa gagastos sa kandidatong walang kapana-panalo.

Eh, attorney, sayang naman yung mga mahuhusay na pwedeng manungkulan kaya lang hindi sikat at walang pera? Sayang talaga. Pero hangga’t “personality-based” ang halalan sa Pilipinas, walang pag-asang manalo ang magaling pero hindi sikat. Kung sana ay sinusuri talaga ng mga botante ang credentials ng isang kandidato, pagkatao nito at malasakit sa bayan, mas may pag-asa sana tayo na maihalal ang mga mas mahusay sa pamahalaan. “We get the leaders that we deserve,” ika nga.

Pero attorney, marami rin namang sikat na mahuhusay, di ba? Tama, pero alisin mo ang kasikatan nila at tingin mo ba maiboboto sila? Sa kabilang panig, kung aalisin mo naman ang husay nila at kasikatan lang ang matitira, may pag-asa pa ba sila? Syempre, ang ideal na kandidato ay sikat na mahusay pa!

So parang pelikula lang ang pulitika. Panonoorin ng tao kung sikat ang mga artista.

Depende po yan.

Dito medyo may pagkakaiba. Pag malalaking Hollywood movies, halimbawa Spiderman o Transformers kahit hindi superstar ang bida ay pinanonood ng Pinoy dahil maganda ang pelikula at ‘di dahil sikat ang bida. Pero pag sikat ang bida at maganda  ang pelikula, mas panonoorin, di ba?

Pero ‘pag gawang Pinoy ang pelikula at hindi sikat ang artista kahit gaano kaganda hindi pumapatok sa takilya. Pag sikat naman ang bida, kahit walang istorya ang pelikula, panonoorin pa rin dahil sa artista.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply