Pong Biazon dapat isama sa LP senatorial line-up

MARAPAT lamang na isama ng Liberal Party (LP) si dating senador at ngayon Cong. Pong Biazon sa senatorial line-up nito para sa 2013 election dahil isa ito sa may pinakamalaking tsansa na manalo sa Mataas na Kapulungan dahil sa angkin nitong tikas at prinsipyo para sa kapakanan ng bayan.

Ito ang dapat ngayong ikonsidera ng Partido Liberal dahil taglay ni Mang Pong Biazon ang katangian ng isang lingkod ng bayan na magtutulak sa “tuwid na daan” ni Pangulong Noynoy Aquino.

Maging ang galing ng matandang Biazon ay kailangan ngayon ng bayan at Senado dahil hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat na ang mambabatas ngayon ng Muntinlupa ay isang magaling na heneral at chief of staff pa nga ng Armed Forces of the Philippines.

Sa kasalukuyang kaganapan sa West Philippine Sea o sa Scarborough Shoal ay kailangan ang eksperiensiya ngayon ni Pong Biazon dahil bihasa ito sa mga taktikang kailangan ng bayan lalo na sa pakikibaka, maging ito man ay kalabang dayuhan.

Maging ang kanyang rekord sa Senado ay di matatawaran dahil animo’y nanamlay ang Mataas na Kapulungan ng Kongreso noong wala nang naghahayag ng mga maaanghang na salita laban sa mga kinakaharap na isyu ng bayan.

Kilala kasi si Mang Pong sa matatapang na pahayag lalo’t higit may kaugnayan sa maseselan na isyu ng bayan na siyang nag-angat sa antas ng Senado bilang isang independent mula sa sinomang nakaupo sa Malakanyang.

Pinatunayan din ni Pong Biazon ang kanyang tikas sa mga nakalipas na hearing ng Senado lalo’t higit sa may kaugnayan sa mga anomalya sa lipunan na lubhang nagpapahirap sa bayan.

Hindi rin maitatangging ang katotohanan na ang pangalang Biazon ay malinis dahil kahit kailan ay hindi ito nasangkot sa anomang anomalya sa estado maging ito man ay noong nasa military pa at higit noong ito nasa Senado na.

Tikas at paninindigan ang kailangan ngayon ng Senado at iyan ang kalibre ni Pong Biazon na hinahanap-hanap ng madla dahil hindi man sa pangmemenos sa mga kasalukuyang miyembro ngayon ng Mataas na Kapulungan ay mukhang walang makatatapat sa estilo ng dating heneral na buo ang desisyon lalo’t ang pinag-uusapan ay kapakanan ng mamamayan at bayan.

###

Sa mga nangangailangan ng pagkalinga ng pitak na ito,maari kayong mag-email sa baranga-yanni_isko@yahoo.com o mag-text sa 09336363310.

 

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply