Poster ni Rizal

BILANG pagpupugay  sa kanyang kabayanihan at natatanging ambag sa kasaysayan at kasarinlan ng bansa, ang lokal na pamahalaan ng Marikina sa pamamagitan ng Office of the Vice Mayor (OVM), kasama ang Order of the Knights of Rizal-Marikina City Chapter ay mamamahagi ng mga poster ng larawan ni Dr. Jose Rizal sa lahat ng paaralan sa lungsod sa buwan ng Hulyo.

Layunin ng aktibidad na ito na muling ipaalaala ang mga naging kontribusyon ni Dr. Jose Rizal sa kasarinlan ng Pilipinas at ang mga aral at pilosopiyang kanyang naiambag  sa buhay ng mga Pilipino at sa bansa sa pangkalahatan.

Inaasahang humigit-kumulang 1,800 poster ang ipamamahagi sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa elementarya at sekondarya, maging sa mga kolehiyo sa buong lungsod. Ididikit ang mga poster sa lahat ng silid-aralan ng mga paaralang ito.

“Nais natin na kahit sa larawang tulad nito ay makita, makilala, at maalala ng bagong henerasyon si Dr. Jose Rizal. Ang kanyang pagmamahal sa bayan, ang paglaban nang hindi gumagamit ng dahas, at pagmamahal sa edukasyon ang ilan sa mga aral na kanyang iniwan sa ating mga Pilipino. Kaya dapat lamang na katulad ng ibang aral na ipinamana ng ibang bayani, hindi natin kalimutan ang mga aral ni Dr. Jose Rizal,” wika ni Vice Mayor Jose Fabian Cadiz.

Sa ngayon ay patuloy ang paghahandang ginagawa ng OVM para sa pamamahaging gagawin.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply