Power hike at oil price hike: Parehong sumpa sa bansa

MAGANDA sigurong pag-isipan ng husto ng pamahalaan at ng mga kompanya ng kuryente at langis ang kanilang mga ginagawa lalo na ang Power Hike at Oil Price Hike.

Gaya ng alam na natin lahat, yang power hike ay pagtataas ng halaga ng kuryente at ang oil price hike ay pagtataas naman ng presyo ng langis.

Dapat talagang pag-isipan nang husto ito ng mga major player na binubuo ng pamahalaan at mga kompanya ng kuryente at langis.

 

Pahirap ang mga hike

Ang kauna-unahang isipin dapat ng pamahalaan at ng mga kompanya ay kung makasasama sa halip na makabubuti sa sambayanan ang mga hike na nabanggit.

Tingnan ninyo, kauna-unahan na biktima ng mga hike ang mamamayan.

 

Power hike

Dahil sa pahirap talaga ang mga hike, marami ang nakaiisip ng hindi maganda.

Halimbawa sa kuryente.

Dumarami ang nagnanakaw ng kuryente, kasama na ang mga mayayaman.

At sa totoo lang, maraming opisina ng gobyerno mismo ang nagnanakaw ng kuryente sa dami ng jumper na ikinakabit nila.

Mamasyal kayo, mga Bro, sa mga barangay hall at ang dami ng may jumper diyan.

Pero halos hindi na ito pinapansin ng mga kompanya ng kuryente dahil ikinakarga nila ang halaga ng nakaw sa systems loss nila.

Kung ano-ano na lang din ang ginagawa ng marami para makatipid sa kuryente. May nagko-convert ng mga etsas ng baboy at manok para maging biofuel. May mga gumagamit na lang ng baterya ng sasakyan saka kinakabitan ng mga bombilyang pansasakyan bilang ilaw sa gabi.

 

Oil price hike

Sa hanay ng mga magsasaka, marami ang hindi nagtatanim sa tag-araw ng palay at iba pa dahil sa ayaw nilang gumamit ng napakamahal na diesel o gasolina para sa kanilang deep well at iba pang patubig.

Marami namang mangingisda, lalo na ang mga mandaragat na sapilitang gumamit ng mga makina, ang hindi pumapalaot nang walang tiyak na huli dahil sa sobrang mahal na gasolina o diesel.

Ano na lang ang mangyayari sa produksyon sa mga pangunahin nating pagkain na ito, mga Bro?

Marami ring sasakyan ang hindi basta umaandar para maghatid ng mga biyahero, produkto at serbisyo. Kung kinakailangan ang biyahe, kailangan na magmahal din ang mga pasahe, produkto at serbisyo para makabawi ang mga nasa transport industry.

 

Negosyo matumal

Sa kabuuan, matumal ang mga negosyo sa bansa dahil sa mga hike na ito.

Ayaw magsipasukan ang mga malalaking mamumuhunan sa mahal kong Pinas dahil sa mahal na kuryente at langis. Ayaw nilang magpatayo ng mga pabrika at iba pang negosyo. Yung iba, lumalayas na lang gaya ng Ford Philippines.

Ang Pilipinas ang isa sa mga may pinakamababang dayuhang mamumuhunan dahil sa mga hike na ito.

Kaya naman, ang daming obrero ang walang trabaho at kakaunti rin ang buwis na nasisingil ng pamahalaan. Itong mamamayan na hirap sa paghahanap ng trabaho o istambay ang pinuputakte ng pamahalaan ng mga buwis para lang ito mabuhay.

 

Nag-aaway-away napakarami

Itong mga hike ‘to ang kabilang sa mga pinagmumulan ng mga malawakan at matitinding away sa pagitan ng pamahalaan at kompanya ng langis at kuryente at mamamayan.

Tingnan ninyo, ang daming nagrarally laban sa gobyerno at mga nasabing kompanya dahil sa mga hike na ito. Ang daming demandahan  sa pagitan ng mga konsyumer at mga kompanya. At nauubos ang mga mahahalagang oras at salapi ng magkabilang panig sa demandahan.

Sa transport industry, lagi na lang nag-aaway ang mga pasahero at ang mga driver ng traysikel, jeepney, taxi at bus. May mga nagpapatayan pa nga dahil sa mahal daw na pamasahe o konting diperensya sa sukli.

 

Kita malalaki

Dahil sa kani-kanilang kapangyarihang taglay, sobrang laki ang kita ng pamahalaan at mga kompanya ng kuryente at langis.

Walang makapipigil sa pamahalaan sa pagpapataw nito ng expanded value added tax sa kuryente at langis, corporate tax sa mga kompanya at iba pang mga pagkakitaan nito sa nasabing mga produkto.

Kakambal nito ang pagbibigay naman nito ng deregulasyon sa mga kompanya ng kuryente at langis.

Sa pamamagitan ng Electric Power Industry Refrom Act at Oil Deregulation Law, sobra-sobra naman ang kapangyarihan ng mga kompanya sa pagtatakda ng presyo ng kani-kanilang mga produkto at serbisyo.

Kaya naman, tayo na ang may pinakamahal na kuryente sa Asya at tayo rin ang madaling pinagloloko ng mga kompanya ng langis. Lalo’t hindi tumalab-talab ang mga rally sa kalsada para ipasara o isabansa ang mga kompanya at mga produkto at serbisyo ng mga ito.

Siyempre pa, ang pamahalaan ang may pinakamalaking kita sa tatlong magpapakner sa pamamagitan mga buwis.

Tiyak na ang pork barrel ng mga opisyal diyan.

Pero humahalakhak din ang mga kompanya sa laki ng kanilang kita gaya ng lagi nating nababasa sa ulat ng Securities and Exchange Commission.  Itong mga kompanya ng kuryente at langis ay kabilang sa top ten sa 100 pinakamalalaking korporasyon sa Pinas.

Dahil sa para nang sumpa ang pinaggagawa ng pamahalaan at ng mga kompanya, dapat na mag-isiip-isip naman ang pamahalaan para magkaroon ng pagbabago rito.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa  www.remate.ph o i-text sa 09214303333.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply