Press release lang pala

PARANG gusto kong maniwala sa pahayag ni Private Hospitals As-sociation of the Philippines Inc. (PHAP) President Dr. Rustico Jimenez na press release lang ang mga bagong proyektong isinusulong ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) para sa mahihirap.

Ibinunyag kasi ni Jimenez na ginagawa lang ng Philhealth ang mga anunsiyo para may maipagyabang si Presidente Benigno “Noynoy” Aquino III sa kanyang State of the Nation Address (SONA) ngayong Lunes.

Ang ilan sa mga isyu na inaangalan ng grupo nina Jimenez ay ang plano ng Philhealth na tanggalin na ang mga charity ward sa mga hospital para mapalitan ng tinatawag nitong Philhealth wards. Bad trip din ang PHAP sa mga bagong medical package na isinusubo nito sa mga miyembro na mas mataas kaysa sa mga dating ibinibigay nito.

Gusto ni Jimenez na maghinay-hinay ang Philhealth dahil alam niya na wala naman itong kakayahan na panindigan ang mga ipina-ngangako nito sa mga tao. Iniisip kasi nina Jimenez na napaka-imposible sa ngayon ang sinasabi ng PhilHealth na sasagutin nila ang lahat ng gastusin ng mahihirap dahil hindi nga nito kayang bayaran ang halos P2 bilyon na utang nito sa mga pribadong ospital.

Idineklara pa ni Jimenez na maliban sa kanila ay napakalaki rin ng utang ng Philhealth maging sa mga pampublikong ospital.

Binira pa ni Jimenez ang pangulo ng Philhealth na si Dr. Ed Ban-zon na tinawag niyang si Boy Plano dahil puro papogi daw ang ginagawa. Panay plano raw kasi si Banzon pero hindi naman niya kayang  panindigan kaya sila tuloy na mga taga PHAP ang laging nasisisi at naaapektuhan. Kaugnay ng isinusulong na no balance billing project at universal health care system ng PhilHealth, sinabi ni Jimenez na hindi ito kayang ipatupad. Kulang na kulang daw kasi ang mga pasilidad ng mga ospital lalo na iyong mga nasa malalayong lalawigan.

Mukhang may katuwiran nga si Jimenez sa mga pinagsasabi niya. Kaya dapat siguro hindi na magpapogi sina Banzon para sa SONA ni Noynoy. At sa halip na  gumastos ng bilyon-bilyon ang gob-yerno para sa mga walang kuwentang proyekto ng Philhealth, dapat gamitin na lang ang pera para sa pagpapagawa ng maaayos na mga state of the art hospital sa iba’t ibang lalawigan.

Sa ganoong paraan ay totoong talagang mabibigyan ng maayos na serbisyo ang mga mahihirap at magiging totoo na ang pangarap na universal health care ni Noynoy. At pag nagawa iyon, sa aking pananaw ay iyon ang pinakamaganda at pinakatamang press release na puwedeng isubo sa taumbayan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply