Presyong galawgaw vs pasaheng ayaw gumalaw

KASING likot ng kiti-kiti ang presyo ng mga produktong petrolyo.

Sa totoo lang, mas pasaway pa ito kaysa isang dalawang-taong-gulang na batang may ADHD o “attention deficit hyperactivity disorder.” Nangangalahati pa lang ang taong kasalukuyan ay 11 beses nang nagtaas at 15 beses nagbaba ang presyo ng mga ito.

Sa kabilang banda, parang tuod ang pamasahe ng mga pampublikong sasakyan. Mas madalang pa sa ulan sa tag-araw kung ito ay gumalaw. Ang magkataliwas na paggalaw ng dalawa ang ugat ng  kalbaryo ng mga drayber ng mga pampublikong sasakyan.

Kontrabida ang imahe ng mga tsuper sa utak ng madla dahil ayaw pa ng mga itong magbaba umano ng pasahe samantalang nitong 13 sunod-sunod na linggo ay patuloy ang pagbaba ng presyo ng gasolina at krudo.

Tumanggi ang mga drayber ng mga sasakyang pang komyuter dahil, “paano kung biglang tumaas ang presyo ng petroleum products?”

Nangyari nga noong nakaraang Martes. Hulyo 10, 2012 nang pumutak-putak ang tambutso ng pagbaba ng presyo. Itinaas ng Petron, Shell, Chevron, Seaoil at Total ang halaga ng regular na gasoline ng P1.80, P1.55 sa premium at P1.40 sa diesel at kerosene.

Wala raw magagawa ang mga kompanya ng langis dahil gumalaw pataas ang presyo ng petrolyo sa pandaigdigang pamilihan.

Idiniin ang sisi sa bansang Iran, na makulit na tumatangging itigil ang nuclear program nito.

Dahil dito, nagkasundo ang mga lider ng mga bansang nakapaloob sa grupong tinatawag na Eurozone na i-embargo ang pag-importa ng langis mula sa Iran sa pag-asang magigipit ito at papayag nang ibasura ang nuclear program nito.

‘Yan ang sinasabi ng mga trabahador sa sektor ng transportasyon, konting kibot lang sa isang lupalop na tila wala tayong pakialam ay apektado na agad sila sa malaking paraan.

Madaling aprubahan ng Land Transportation Franchising Regulatory Board ang pagbaba ng pasahe; pero duduguin ka sa pagtataas nitong muli. Hindi tayo dapat magtaka sa ginagawi ng mga manggagawa sa sektor ng transportasyon.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply