Problema sa helmet law dapat lutasin ng DTI

SINASABI ng Department of Trade and Industry na Disyembre 2012 na lang ang magiging deadline ng pagkakaroon ng tatak sa helmet ng mga gumagamit ng motor.

Hindi bukas o sa Agosto 1, 2012.

Katwiran ng mga taga-DTI, nagkulang umano ng kampanyang impormasyon para rito at kulang na kulang ang kanilang mga tauhan sa pagharap sa milyon kataong gustong magpatatak ng helmet kaugnay ng itinakdang deadline na Agosto 1, 2012.

Okay na rin sa atin yan.

INUTIL O PABAYANG DTI

Mayroon lang tayong ilang mahahalagang katanungan sa DTI.

Una, bakit hinahayaan ng DTI ang mga auto supply at iba pang nagtitinda na magtinda ng mga helmet na hindi dumaraan sa quality control ng DTI?

Ikalawa, bakit ba na sa Metro Manila lamang mayroong gagawa ng quality control samantalang daang libo ang mga nagmomotorsiklo sa mga lalawigan at bumibili ng helmet mismo sa kani-kanilang mga lugar?

WALANG INSPEKSYON

Napakadali, mga Bro, ang pumunta sa mga nagtitinda ng mga helmet at usisain ang mga gamit na ito kung dumaan o hindi sa quality control.

Ngunit gaya ng karanasan nitong nagdaang mga araw, hindi pala kumikilos ang DTI.

Gustong sumunod ang mamamayan sa batas at nakita ito sa kagustuhan nilang magpatatak ng mga helmet.

Ngunit lumabas nga ang kainutilan o kapabayaan sa pagpapatupad ng batas.

Wala sanang problema ang mga motorista kung sa mga tindahan pa lang ay naghihigpit na ang DTI sa pagbebenta ng helmet.

Ngayon, hindi ba kainutilan o kapabayaang matindi ang umiiral sa DTI na yan?

At ngayon nga ay gustong palabasin ng mga tarantado riyan sa DTI na ang mamamayang motorsiklista pa ang may kasalanan.

NAPASUBO SA MAHAL NA HELMET

Bibihira ang mga bumibili ng murang helmet.

Gusto ng higit na nakararami na matibay at para sa kanilang kaligtasan ang suot-suot nilang helmet.

Hindi ‘yung malaglag lang ang helmet ay basag na ito kaya kung nadisgrasya ang may suot nito ay tiyak na basag din ang kanyang bungo.

Kaya naman, kahit mahal ay bumibili ang motorsiklista.

‘Yun pala, mayroon pa ring kalidad na dapat na abutin ng helmet upang matiyak ang kaligtasan ng mga motorista.

Pero hindi nga ginagawa ng DTI ang trabaho nitong pangkaligtasan.

At nakalulusot ang pagbebenta nang lantaran ng mga helmet.

Mismo pang ang mga nagtitinda ng motorsiklo ang nag-iisyu ng mga helmet na parang pirated na DVD.

Marurupok na nga, mga peke pa.

DTI SA PROMDI NASAAN?

Naghahanap ngayon ang mga motorista ng opisina ng DTI sa mga lalawigan.

Mayroon naman umanong panrehiyon na sangay at may mga lungsod na mayroon nito.

Pero alam naman natin na sa mga lalawigan, kailangang bumiyahe ang nakararami sa mga may motor ng 100 o 200 kilometro bago sila makakita ng DTI office.

Ano na ngayon ang ginagawa ng DTI sa problemang ito?

Tinatalakay natin ito dahil nationwide ang aplikasyon ng batas at hindi lang sa Metro Manila.

Uulitin natin, mga Bro, nasaan ang mga DTI office na maglilingkod sa mga motoristang promdi?

KUMILOS NANG SABAY-SABAY

Sana naman, mula sa mga araw na ito, may mga makikita na tayong malawak na pag-inspeksyon at pagku-quality control ng DTI.

Sa Metro Manila, pupuwede bang magkaroon ang DTI ng opisina nito sa bawat lungsod?

At sa mga lalawigan, pupuwede bang kahit sa bawat kapitolyo lamang ay may mga DTI rin?

Lahat para gumaan-gaan naman ang pasanin ng mga motorista sa pagpapatatak ng kanilang mga helmet.

GRABE SA LALAWIGAN

Partikular sa mga lalawigan, baka magpabalik-balik ang mga motorista sa kung ilang araw bago matatakan ang kanilang mga helmet.

Halimbawa sa Cagayan Valley.

Sinasabing may regional office ang DTI sa Tuguegarao City, Cagayan.

Alam ba ninyong daan-daang kilometro ang layo nito mula sa Nueva Vizcaya at nasa 200 kilometro ang layo nito sa mga bayan ng Sta. Ana  at Sta. Praxedes na pawang nasa mga dulo ng lalawigan ng Cagayan?

Ganyan ang kalagayan sa mga lalawigan na tiyak na iiyakan ng mga motorista.

Kaya may mungkahi tayong ilapit sa tao ang DTI kahit man lang sa pagkakataong ito.

Ganito rin umano ang kalagayan sa Mindanao na napakarami pa namang dinaraanang kasong kidnapping for ransom ang mamamayan.

Paano kung makidnap o mamamatay sa ambus ang mga motoristang bumibiyahe para lang magpatatak ng kanilang mga helmet sa malalayong lugar sa kanila?

Diyan lang sa Autonomous Region in Muslim Min-danao, nasaan ang DTI riyan na magtatak ng helmet?

Kailangan pang tumawid sa dagat ang mga motoristang galing sa Tawi-Tawi, Sulo at Basilan para lang magpatatak ng helmet.

Anak ng tokwa!

DTI KILOS NA

Kailangang kumilos kaagad ang mga taga-DTI sa usaping ito.

Huwag nilang sabihin na wala o kulang sila sa pondo sa paglilingkod sa mamamayan sa usaping ito.

At mahihirapan silang pumunta sa mamamayan dahil magastos ang programa at wala silang kita dahil libre lang ito?

Kainutilan na yan, sa totoo lang.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply