Project NOAH, iwas delubyo – PNoy

PORMAL na ilunsad kanina ni Pangulong Benigno Aquino III ang Project NOAH, o ang Nationwide Operational Assessment of Hazards ng Department of Science and Technology.

Dahil dito, hindi na gagamit ng palad o kamay ang PAGASA para sukatin ang lakas ng ulan dahil tiyak ang ang datos na makakalap sa pamamagitan ng rain gauges.

Sinabi ni Pangulong Aquino na hindi na rin gagamit ng tuhod, baywang, at ulo bilang panukat sa lebel ng tubig-ulan dahil eksaktong sukat na  ang hatid ng water level sensors sa ganitong usapin.

“Hindi na rin po padadaanin sa hula ang lagay ng panahon at kung saan babagsak ang ulan; real time na datos at impormasyon na rin ang hatid sa atin ng Doppler radars,” ayon kay Pangulong Aquino sa idinaos na paglulunsad  sa Project: Nationwide Operational Assessment of Hazards (NOAH) ng DOST-Pagasa sa Marikina City.

Layunin, aniya, ng proyekto na magkaroon ng mas tiyak at mas maaasahang sistema para mailayo sa peligro ang ating mga kababayan, at maiwasan o mabawasan ang pinsalang dulot ng kalamidad sa ating bansa.

“Ang Project NOAH po ang magsisilbing arko ng mga Pilipino laban sa delubyo. Tutuldukan na natin ang nakasanayang pagtitiis tuwing tag-ulan. Hindi na puwede ang ‘bahala na,’ sawa na tayo sa kaba. Sa tama at sapat na kaalaman, sasanayin natin ang mga Pilipino sa puspusang kahandaan. Layon ng proyektong ito na makapaglaan ng sapat na oras sa pagbibigay-babala sa baha, lalo na sa mga komunidad na malapit sa 18 major river basins. Gamit ang lokal na teknolohiya at mga makabagong kasangkapan, bibigyang-lakas at kakayahan natin ang mga lokal at pambansang pamahalaan upang higit pang mapabuti ang kanilang operasyon at pagkilos tuwing darating ang malakas na pag-ulan,” ang paliwanag ng Pangulo.

Kaya nga naniniwala ang Punong Ehekutibo na ang Project NOAH ay magiging daan upang madadagdagan pa at mapapabuti ang mga kasangkapan at kagamitan. Ang target, aniya, ng DOST: 600 locally-produced automated rain gauges at 400 water level monitoring sensors ang maipakabit sa mga piling lokasyon sa iba’t ibang bahagi ng bansa bago matapos ang 2013.

At ang lahat, aniyang, ito ay gagawin sa Pilipinas kung saan ay gawang Pilipino, para sa Pilipino.

Sinabi pa ng Pangulo na kung masisilip lamang ang website ng Project NOAH sa noah.dost.gov.ph, mabibilib ang lahat sa ginawang hatid ng ginagamit na teknolohiya.

“I-type mo lang ang iyong lokasyon, at gamit ang ating Doppler radars at iba pang kagamitan, malalaman mo na ang kondisyon ng panahon, at kung gaano kalakas ang magiging pagbagsak ng ulan sa inyong lugar,” anang Pangulo.

Binigyang diin pa ng Punong Ehekutibo na hindi totoong ang buhay ay weather-weather lang dahil nasa kamay ng lahat kung sisikat ang magandang araw ng kinabukasan, o habang panahon na kukublihan ng bagabag ang lahat.

Sinabi pa ng Pangulo na gamit ang agham at teknolohiya, katambal ang sigasig at wagas na serbisyo ay makakaya ng lahat  na mapangalagaan ang kapakanan ng sambayanang Pilipino.

“Sa bibliya, si Noah ang bumuo ng arkong nagsilbing kanlungan laban sa sakuna. Ang Project NOAH naman po ang tugon ng ating panahon sa delubyong dulot ng pangamba at kapahamakan, at siyang magtitimon sa mga Pilipino sa direksyon ng kahandaan at kapanatagan; ito po ang magsasagwan sa atin tungo sa kaligtasan,” ani Aquino sabay sabing “Tandaan po natin palagi na nasa iisang bangka lang tayong mga Pilipino. Ipagpatuloy lang po natin ang pagkakapit-bisig at pagkakaisa, at pihado po akong maaabot natin ang ating minimithing destinasyon: isang Pilipinas na mas ligtas, mas maaliwalas, at may mas malawak na pagkakataon sa kaunlaran para sa lahat.”

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply