Project NOAH matagumpay

LABIS na ikinatuwa ng lokal na pamahalaan ng Marikina sa pangunguna ni Mayor Del De Guzman ang matagumpay na paglulunsad ng Department of Science and Technology (DOST) ng Project NOAH o Nationwide Operational Assessment of Hazards na pinasinayaan mismo ni Pangulong Benigno Aquino III.

Ito ay ginanap sa Nangka Del Covered Court sa Balubad Settlement Phase II, Brgy. Nangka noong ika-6 ng Hulyo.

May temang “Siyensya at Teknolohiya Kontra Sakuna, ang Project NOAH ay isang proyekto ng pamahalaan na nakadisenyo upang matugunan ang kakulangan sa impormasyon sa oras ng sakuna.
Layon nitong mabigyan ang mga lokal na pamahalaan, pribadong mga kumpanya, at indibidwal ng impormasyong makakatulong upang ang mga ito ay epektibong makapagplano at mabawasan ang bilang ng sugatan o maapektuhan mula sa iba’t ibang sakuna.

“Natutuwa tayo sa pagdating ni Pangulong Aquino sa ating lungsod at siya pa mismo ang nanguna sa paglulunsad ang proyektong ito na tiyak na malaking tulong sa marami nating kababayan. Ang pagkakaroon ng ganitong teknolohiya na kahalintulad sa ibang maunlad na bansa ay lubhang mahalaga sa wasto at real time na pagtantya sa volume ng tubig ulan na bumabagsak at sa epekto nito sa pagtaas ng tubig sa Ilog ng Marikina,” wika ni Mayor Del De Guzman.

Bukod sa pangulo, ilan din sa mga dumalo ay sina Congressman Romero Quimbo ng Ikalawang Distrito ng Marikina; Congressman Rodolfo Biazon ng Muntinlupa City;  Dr. Nathaniel Servado, Administrator ng  PAGASA-DOST; Malu Cagay, Managing Director, Center for Disaster Preparedness; Dr. Caesar Saloma, Chancellor, University of the Philippines-Diliman Campus; Dr. Alfredo Mahar Francisco Lagmay, Executive Director ng Project NOAH; at DOST Secretary Mario Montejo.

Inaasahan ng lokal  na pamahalaan ng Marikina na sa tulong ng Project NOAH mas marami ng residente ang magkakaroon ng pagkakataong malaman ang lagay ng panahon at mas makakapaghanda bago pa man dumating ang malakas na ulan o bagyo.

Ang paglulunsad ng Project NOAH ay bahagi rin ng pagdiriwang ng National Typhoon at Flood Awareness Week sa bansa.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply