Project NOAH

LABIS na ikinagalak ng lokal na pamahalaan ng Marikina sa pagkakapili sa lungsod bilang lugar na pagdarausan ng paglulunsad ng Project NOAH o Nationwide Operational Assessment of Hazard ng Department of Science and Technology (DOST) sa ika-6 ng Hulyo.

Ang nasabing paglulunsad ay masisimula sa ika-8 ng umaga hanggang ika-12 ng tanghali sa Nangka Del Covered Court sa Balubad Settlement Phase II, Brgy. Nangka kung saan dadaluhan ito ni His Excellency Pangulong Benigno Aquino III bilang panauhing pangdangal.

Bago nito, dati nang ginagamit ng Marikina ang Flood Control Operation System (FCOS) ng MMDA upang matukoy ang dami ng ulan at taas ng tubig sa iIog ng Marikina.

Sa ngayon, ginagamit na ng lungsod ang dalawang buwang Project NOAH sa pagkalap ng marami pang impormasyon sa lagay ng panahon at baha.

Ang Project NOAH ay mayroong graphical satellite radar at Doppler data forecast na nagpapakita ng takbo ng kaulapan at maging ng mga bagyo.

“Malaking tulong ang proyektong ito sa lungsod lalo na upang matukoy ang aktual na lagay ng panahon at baha. Sa ganitong paraan, ang lungsod ay agad na makakagawa ng plano o hakbang upang maiwasan ang sakuna,” wika ni Mayor Del De Guzman.

Ang Project Noah ay bagong proyekto ng pamahalaan na nakadisenyo upang matugunan ang kakulangan sa impormasyon sa oras ng sakuna.

Layon nitong mabigyan ang mga lokal na pamahalaan, pribadong mga kumpanya, at indibidwal ng impormasyong makakatulong upang ang mga ito ay epektibong makapagplano at mabawasan ang bilang ng sugatan o maapektuhan mula sa iba’t ibang sakuna.

Ayon sa DOST, ang Project NOAH ay mayroong walong bahagi (components) na nakadisenyo upang tumugon sa iba’t ibang pangunaging pangangailangan sa mga hindi inaasahang sitwasyon.

Ito ay ang 1) Hydro met sensors development, 2) DREAM-LIDAR 3-D mapping project, 3) Flood NET-flood modeling project, 4) Hazards information media, 5) Enhancing geo-hazards mapping through LIDAR, 6) Doppler system development, 7) Landslide sensors development project, and 8) Storm surge inundation mapping project.

Ang paglulunsad ng Project NOAH ay bahagi rin ng pagdiriwang ng National Typhoon at Flood Awareness Week sa bansa.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply