Pulis tinotodas at goodbye kay Dolphy

SUNOD-SUNOD ang mga pulis na pinapatay.

Ano-ano kaya ang mga dahilan at may mga galit sa mga ito?

Sino ang mga nagsasagawa ng mga pagpaslang?

Mga sindikato ng krimen?

O mga ordinaryo na  kriminal?

O baka naman mga kapwa nila pulis o sundalo kaya ang mga salarin?

O mga nasaktan nila sa pang-aabuso sa tungkulin?

WALA PANG NAKAAALAM

Hangga’t walang nahuhuli sa mga salarin sa krimeng ito, walang malinaw na mga kadahilanan sa mga pagpaslang.

At kahit may mahuli pa, hindi natin alam kung nagsisinungaling ang mga ito o hindi.

Madali kasing mag-imbento ng mga dahilan.

Kung bakit gusto nating malaman ang mga motibo sa pagpaslang ay para sa katarungan at para sa pagbabago.

TRABAHO LANG

Kung isinuot na ng isang pulis ang kanyang uniporme, tsapa at baril, masasabi nating dala-dala niya ang sinumpaang tungkulin ng isang pulis: ang maglingkod at magtanggol sa mamamayan laban sa mga kriminal at sa pagpapanatili ng batas at kaayusan.

TO SERVE AND PROTECT

To maintain law and order.

Kaya naman, naririyan ang buong respeto na ipinagkakaloob sa bawat pulis.

Kung hindi bibigyan ng respeto ang mga ito at basta na lamang sila pagpapaslangin habang sila’y naglilingkod, aba, ibang usapan na ang kasunod.

‘Di ba, Mayor Fred Lim?

KOTONG COPS AT IBA PA

Hindi kaila sa mamamayan ang pambababoy naman ng ilang pulis sa kanilang uniporme, tsapa at armas.

Kung ginagamit ng mga parak sa pangongotong, panghuhulidap, pandodroga at iba pang kailigalan ang kanilang pagkapulis at tinodas sila, ano-ano ngayon ang mga dapat na gawin?

Marahil ay masasabi nating hindi maitutuwid ng mali ang isa pang pagkakamali.

Ang katarungan na itinatakda ng batas ang maaari lamang na makamit.

Makukulong at magbabayad ang salarin.

Kaya lang, paano kukuskusin ang mantsa sa kapulisan na siyang dahilan ng kanyang kamatayan?

BUGOK SA 140,000 PULIS

Sa rekord ng Philippine National Police, umaabot sa libo ang bilang ng mga sinasampahan ng kaso ng mamamayan o kapwa nila mga awtoridad.

May sinasampahan ng mga kasong kriminal at sibil at yung iba ay kinakasuhan sa National Police Commission.

Sa nakikita natin sa mga record, daan-daang mga pulis ang naparurusahan sa iba’t ibang kadahilanan.

May mga natatanggal sa puwesto, may nabibilanggo, may nasususpinde at may mga nasesermunan lamang.

Pero marami rin ang naaabsuwelto sa mga paratang.

Kung ihahambing sa may 140,000 pulis ang bilang ng mga pulis na napatutunayang guilty sa paggawa ng mga krimen, kakaunti lamang ang mga ito.

MGA PULIS PAGKATIWALAAN

Kaya naman dapat na pagkatiwalaan ang mga pulis.

Huwag mangiming kawayan sila sa oras ng pangangailangan.

Kahit sa mga sitwasyon nga na walang kaugnayan sa krimen, natatawag din sila.

Isipin natin ang mga emergency na sitwasyon gaya ng pagkakasakit, sunog, lindol, baha at iba pang kalamidad.

Pag kinawayan natin sila, naririyan sila na nagbabanat ng buto para makatulong lamang.

BATAS AT KATARUNGAN

Sa ipinakikita ng mga awtoridad na pagtutuwid sa mga kamalian ng mga pulis, naniniwala tayo na umiiral ang batas at katarungan.

Daanin mo sa hukuman ang anomang reklamo na mayroon ka laban sa pulis at makakamtan mo ang katarungan.

Bibihira ang mga nakalulusot sa kamay ng batas at nakararami ang nakatatagpo ng katapat sa hukuman.

Ang mga nakalulusot sa kanilang krimen ay nakakahon din sa huli o nakakarma kaya.

Kaya naman, sasabihin nating hindi naaayon sa batas, maging sa konsiyensiya ng lipunan, ang mga pamamaslang sa mga pulis.

NAGHAHABOL KAY DOLPHY

Ngayon lang nakikita ang kahalagahan ni Rodolfo Vera Quizon Sr..

Tingnan ninyo, ang dami-raming nagbibigay ng award sa kanya.

Sunod-sunod ang mga parangal na ibinibigay sa kanya.

Maliban lang ang National Artist Award.

DAMO PATAY SA KALABAW

Ang sabi nila, aanhin pa ang damo kung patay na ang kalabaw?

Maaari ngang hindi magandang tingnan na saka lang nakikita ang kahalagahan ng isang tao kung nawala na siya sa ibabaw ng mundo.

Pero talaga namang nagaganap ito.

Ang higit na mahalaga ay ang taos-pusong pagkilala sa nagawa ng isang taong namayapa noong nabubuhay pa siya.

Sa kuwento ng kanyang mga natulungan, buhay na buhay ang sinasabi sa Biblia na “nabigyan mo ba ng pagkain ang mga nagugutom, napainom mo ba ang mga nauuhaw, nadamitan mo ba ang mga hubad, napagaling mo ba ang mga may sakit” at marami pang iba.”

KABABAAN NG LOOB

Ang magandang gawin ng mga naulila ni Dolphy ay tanggapin nang may mababang loob ang mga parangal at pakikiisa ng mga nakikiramay at fans ng idol ng bayan at ipagpatuloy ang mga nasimulan niyang makatao at magagandang gawain.

Goodbye, Kuya Dolphy!

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply