Quimbo sa mga politiko: ‘Wag makisawsaw

NANAWAGAN ang  ilang mga kaalyado ni Pangulong Benigno Aquino III sa mga congressman, senador at politiko  na huwag ng makisawsaw sa proseso ng pagpili ng susunod na chief justice ng Korte Suprema.

Bagama’t tiniyak ni Marikina Rep. Miro Quimbo na meron ng mga nagla-lobby kung sino ang susunod na punong mahistrado ay minarapat niyang huwag ng magbanggit ng pangalan.

Sinabi ng kongresista na maaari raw para sa personal na interes ang kanilang pagla-lobby o simpleng mungkahi lamang.

Gayunman, nilinaw ni Quimbo na marapat na hayaan na lamang ang Judicial and Bar Council o JBC sa kanilang screening process at pagbuo ng final shortlist na ibibigay kay Pangulong Aquino.

Aniya, dapat iwasan ng mga politiko na maglabas ng mga rekomendasyong makakagulo lamang sa proseso. Kung hindi naman matiis ng mga mambabatas na magbigay ng rekomendasyon, mabuti pa raw kung idaan ito kina Ilo-Ilo Rep. Neil Tupas Jr. o Senador Francis Escudero, na kapwa miyembro ng JBC.

Samantala, kabilang sa nais ni Quimbo na gawin ng susunod na punong mahistrado ay pabilisin ang proseso sa mga kaso, pataasin ang kredibilidad ng SC at lagyan na ng hukom at iba pang opisyal ang may 18 porsyentong bakanteng mga korte.

Kaalyado wag hirangin

Pinayuhan ngayon ni Albay Rep. Edcel Lagman si Pangulong Aquino na huwag hihirang ng kaalyado kapalit ng inalis na si Supreme Court chief justice Renato Corona.

Aniya, bagama’t may kapangyarihan si Pangulong Aquino na pumili ng punong mahistrado mula sa tatlo na inonombra ng Judicial and Bar Council (JBC)ay huwag piliin ang sinumang nagkaroon ng papel sa nagdaang impeachment.

Giit pa ni Lagman na hindi lingid sa publiko ang lantarang pagsusulong ni Pangulong Aquino na mapatalsik sa pamamagitan  ng impeachment si Corona ay marapat lamang na umiwas ito sa paghirang sa sinumang personalidad na ”who is perceived to have coveted the position of Chief Magistrate.”

“What were perceived as the negative factors which rooted out Corona must be the same factors which must weed out potential errant nominees,” giit pa ni Lagman.

Paniwala naman nina Marikina Rep. Miro Quimbo at CIBAC Partylist Rep. Sherwin Tugna na pawang espikulasyon pa rin ang pagsasabing magiging Aquino court ang Korte Suprema sa sandaling maghirang ito ng chief justice na kilalang kaalyado niya.

Gayunpaman, aminado si Quimbo na masasayang lamang ang pakikipaglaban ng Kamara sa nagdaang impeachment kung ang mahihirang na punong mahistrado ay matatawag na tuta o sunud-sunuran lamang sa pangulo.

Tinutulan din nina Quimbo at Tugna ang naunang panawagan ni House Majority Floorleader Neptali Gonzales II na umatras na sa rekomendasyong maging chief justice sina SC Associate Justice Antonio Carpio na siyang acting chief justice ngayon at si Justice Secretary Leila de Lima.

Katuwiran ni Gonzales parehong malapit sa pangulo sina Carpio at de Lima na aniya’y hindi magbibigay ng magandang impresyon sa taumbayan.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply