RD, walang alam sa sugal at iligal sa MM

MARAMI nang napatunayan sa kanyang karera sa Philippine National Police si National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Dir. Alan Purisima kaya’t marami ang nagnanais na sirain ang pangalan niya upang mapigil ang pag-upo niya kapalit ni PNP chief Dir. Gen. Nicanor Bartolome.

Ang mga naninira kay Gen. Purisima ay pawang naghahangad na masira ang tiwala ni Pangulong Benigno Aquino III sa magaling na heneral upang hindi nito makuha ang pinakamataas na posisyon na talagang inilaan kay Purisima sa pag-alis sa puwesto ng kasalukuyang PNP chief.

Naisip kaya ng mga kritiko ni Purisima na napakahirap naman o tila suntok sa buwan ang nais nilang mangyari dahil ang NCRPO chief ay parang kawayan na taga sa panahon o talagang nangamuhan upang maabot niya ang puwestong kanyang kinalalagyan ngayon.

Marunong yumukod ang susunod na PNP chief kapag may malakas na bagyong paparating upang protektahan ang kanyang sarili o hindi siya mabuway sa lakas ng kalaban.
Naging maganda ang track record ni Purisima sa kanyang paninilbihan at pamamayagpag sa PNP at hindi ito nag-ugat sa perang kanyang ibinibigay sa kanyang mga naging amo kundi sa trabahong ipinagkatiwala sa kanya sa mga puwestong kanyang hinawakan tulad ng Region 3 at Police Anti-Crime Emergency Response..

Ilan beses na ring sinisira ang pangalan ni Purisima sa mga pahayagan at radyo ng mga tauhan ng kanyang posibleng makatunggali kapag nagretiro sa puwesto si Bartolome.

Pawang koleksyon sa sugal at iligal ang ibinubutas kay Purisima na ibig sabihin ay pera ang kahinaan ng heneral. Subalit marami ba ang naniniwala? Tila mangilan-ngilan lang naman. Iyong hindi talaga nakakikilala kay RD.

Tama ang paliwanag ni Chief Supt. Arrasad Subbong, NCRPO chief of staff, na hindi na nakikialam si Purisima sa mga sugal at iligal na tumatakbo sa kanyang nasasakupan. Mas prayoridad nito masugpo ang krimen at mabigyang katarungan ang mga biktima at naaapi.

Isa rin sa layunin ni Purisima ay mapataas ang moralidad ng mga pulis sa kanyang nasasakupan kaya nga pilit nitong binabago ang nakasanayan ng mga alagad ng batas tulad ng pangingikil sa  pangkaraniwang mamamayan at pagkakasangkot sa masasamang gawain.

Hindi pabor ang NCRPO chief na mamayagpag ang sugal partikular ang jueteng kung kaya’t pilit niya itong ipinatitigil sa pamamagitan nang panghuhuli sa mga financier, kabo at kubrador. Ipinatutupad niya ang one strike policy sa station commanders at three strike policy naman sa mga district director.

Nagagamit ang pangalan ni Purisima ng mga kolektor ng ilang district director upang mapataas ang presyo ng kanilang koleksyon hindi lang sa sugal kung hindi pati sa mga club at bar. Natural, malaki ang takot ng mga iligalista na namamayagpag sa Metro Manila.

Kapag pangalan na ni RD ang naririnig nila ay nanginginig na sila kaya’t mabilis na bumibigay sa pananakot ng ungas na kolektor.

Ipa-entrap kaya ni Gen. Purisima ang mga kolektor na gumagamit sa kanyang pangalan upang malaman ng mga ito na totoo ang kanyang kampanya laban sa sugal at mga iligal na gawain? Manginig kaya ang mga ito? Malamang, kasi alam nila na totoo ang motibo ni RD sa pagpapatino sa kapulisan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply