Rebels without a cause

SA ilampung taon ko bilang isang reporter at journalist, ilang State of the Nation Address na rin ang nasaksihan ko.

Meron ding ilan na ako ang nasa kalye at nagko-cover at yung iba ay nasa loob ng van o studio at nagdi-direk. Sa lahat ng SONA na naranasan ko, iisa ang palagiang nandoon, ang rally ng mga grupong laging malaki ang hinaing laban sa pamahalaan. At hindi rin ako stranger sa mga rally na ito.

Hindi miminsang napasama ako sa gulo at hinabol din ng pulis sa pag-aakalang isa akong raliyesta, o di kaya ay nasa gitna ng gulo nang batuhin ng tear gas ang grupo.

Hanggang ngayon, hindi ko pa rin makuha ang dahilan kung bakit kailangang magkagulo sa mga rally na ito. Huwag po kayong magkakamali, naiintindihan ko ang dahilan ng pagtitipon. Ang hindi ko maintindihan ay ang sadyang manggulo para mapansin.

Noong Lunes, kulang sa isandaang tao ang nasugatan o nasaktan dahil sa rally sa SONA.

May isang dosena rito ay mga media team na nandun para kunin ang istorya ng rally.

Ang naganap na gulo ay kalunos-lunos saksihan. Isang tagpo ng anarkiya mula sa mga grupong nagmamalaki na sila dapat ang pakinggan dahil para sa mamamayan ang kanilang adhikain.

Pero taon-taon, laging ganoon ang kanilang sinasabi at ginagawa.

Laging galit, laging gustong manakit, laging nagwawala.

Dumaan din naman kami sa ganyang bahagi ng buhay. Sumama rin ako sa mga rally na yan.

Nakaranas na rin ako ng dispersal. Pero maipagmamalaki ko na sa pulis nanggaling ang provocation at hindi sa ranggo namin.

Sabi ng mga raliyesta hindi raw sa kanila galing ang mga nambato, galing daw iyon sa mga bahay sa likod nila. Ano naman ang mahihita ng mga nakatira sa bahay roon kung sasali sila sa gulo?

Sa totoo lang, maraming residente ng Diliman ang hindi natutuwa sa mga rally na ito tuwing may SONA dahil napeperhuwisyo sila. Hindi makapasok  ng  opisina at eskuwela dahil sa tindi ng  trapik dulot ng nag-iipon na mga taong walang disiplina. Lahat nakakalat at nagkakalat sa lansangan.

Suporta ako sa anomang adhikain at ipinaglalaban ng mga ito, kung meron man silang adhikain.

Pero sa napapansin natin, marami sa mga kabataang ito ang nandoon para lamang sumali sa gulo, kung hindi man sila ang magsimula ng gulo. At sa tinagal ng panahon na ginagawa nila ito, may nakinig na ba sa kanila? May resulta na ba ang ingay at gulo nila?

Karamihan sa mga dati nilang kasama ay tumanda na at sumali na sa mahinahong pakikipaglaban.

Doon marami ng nagawa at achievements dahil tahimik at mahinahon ang paghain ng adhikain, may tamang debate at pagkumbinsi sa nakararami.

Walang mararating ang gulo, pananakit ng kapwa, lalo nang media at awtoridad. Anarkiya lang ito, ang paraan na sinusunod ng mga ayaw pasakop sa batas, ng mga rebelde.

At ayos pa rin maging rebelde, kung may ipinaglalaban ka. Kung meron kang cause!

Pero kung para lang maipakita na kaya ninyong gawin ang gusto ninyo at hindi kayo kaya pigilin ng tamang asal at ugali, walang dahilan ang pinaglalaban ninyo at walang makikinig

sa inyo.

Hindi pa rin tatalunin ng hiyaw at pagwawala sa kalye ang isang bulong ng matibay na argumento.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply