Reporma at voters registration sa ARMM matagumpay

TAMA lang ang naging pasya ni PNoy na itulak ang kanyang hangarin na reporma sa Autonomous Region in Muslim Mindanao, kasama ang electoral reforms, dahil nakitaan na ito ng mga positibong resulta kahit sabihin pang napakaikli pa lamang ng panahon na iginugol dito simula noong italaga niya si dating Anak Mindanao Partylist Rep. Mujiv Hataman bilang OIC ARMM Regional Governor.

Hangarin ni PNoy na masaksihan ng nakararaming Pilipino na merong good governance sa ARMM kaya naisabatas ang RA 10153 synchronization law bilang pangunang hakbang sa mga repormang ipinatutupad sa ngayon.

ANOMALYA SA PONDO, TAPOS NA

Tapos na ang sistemang cash advance kung saan karamihan sa pondong nawawala ay dito nakikitang ugat ng pangungulimbat. Meron humigit-kumulang sa P203.16 million na naipon at P162.3 million ay galing sa Department of Education (DepEd) at P40.86 million ay mula naman sa Department of Public Works and Highways, simula ito noong nakaraang December 22, 2011 hanggang June 22, 2012.

Me “232 na ghost employees” ang natuklasan at inalis sa plantilla. Sa kasalukuyan ay pinag-aaralan ang pagsasampa ng kaukulang kaso sa mga taong kasabwat sa nasabing mga anomalya. Kabilang sa naipong pondo sa DepEd ay ang naudlot na pagpapalabas ng pondo na nakalaan para sa salary differential ng mga taga DepEd na kalaunan ay natuklasan na me mga anomalya.

LUMAGPAK ANG MGA FLYING VOTER

Sa bilang na 1,816,022 na botante sa limang probinsya ng ARMM, halos 540,000 lamang ang nakapagpalista sa loob ng pitong araw na itinakbo ng registration na matatapos ngayong Miyerkules, July 18, 2012.

Ayon kay Comelec lawyer Teopisto Elnas, halos isang milyon ang posibleng maalis sa bilang ng mga botante kung magpapatuloy ang trend ng pagpapatala sa rehiyon na sinasabing kontrolado ng iilang pamilyang pulitiko.

Nagbuo pa si RG Hataman ng isang Task Force Rehistro na nangasiwa sa maayos na pagpapatala sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa COMELEC, PNP at AFP.

Hindi maikakaila na ang kahusayan sa pagpapatupad ng mga programa hinggil sa reporma, ayon Kay RG Hataman, ay dahil sa suporta na ibinibigay ni PNoy sa ARMM na labis na ikinatutuwa ng karamihan sa mga residente sa limang probinsya ng Lanao del Sur, Maguindanao, Basilan, Tawi-tawi, at Sulu.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply