Reward na gimik ng Globe puro pangako

BINATIKOS ng subscribers ang panibagong gimmick ng Globe Telecommunications na pagbibigay ng kaukulang premyo na iba’t ibang produkto sa mga makakaipon ng puntos sa kanilang Globe my reward na isang uri ng pang-aakit upang magkarga ng maraming load.

Maraming subscribers ang nakaranas ng puro pangako lamang ang kanilang natatanggap sa sinasabing tatanggaping produkto kapalit ng pag-iipon ng mga puntos.

Dismayado ang subscribers na naaakit ng naturang promotional gimmick dahil kahit may karga pa silang load ay napipilitan silang magpa-load muli upang makaipon ng puntos gayung wala naman palang kapalit kundi pangako ang kanilang maipagpapalit sa laki ng naipong puntos.

Nagtataka ang subscribers kung bakit sa kabila ng lumolobong reklamo sa mga promotional gimmick at kapalpakan ng serbisyo ay hindi man lamang gumagawa ng aksiyon ang pamunuan ng dambuhalang kompanya ng telekomunikasyon.

Napag-alaman na marami na ang nagpasyang iwanan na lamang ang serbisyo ng Globe at lumipat sa kalaban nitong telekomunikasyon dahil sa kawalan ng kaukulang aksiyon ng pamunuan sa lumolobong bilang ng reklamo.

Magugunita na unang pumutok ang reklamo sa echo system na ipinaiiral ng Globe kung saan nauubos lamang ang load ng isang subscribers sa pagtawag dahil sarili nila ang kanilang nakakausap sa pamamagitan ng naririnig na echo ng kanilang boses sa halip na makonekta sa kanilang tinatawagan.

Bukod dito, marami na rin ang nagrereklamo sa dami ng mga lugar sa Metro Manila na walang cellsite ang Globe kaya’t hindi sila makatanggap ng tawag o text.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply