RG Mujiv Hataman, ghost buster ng ARMM

ISANG panibagong hamon ang tawagin siyang ghost buster para mas pagsikapan na tugunan ang mga malahiganteng problema sa loob ng ARMM, ito ang pagbibigay-diin ni OIC Regional Governor Mujiv Hataman sa harap ng mga opisyal at empleyado na sumalubong sa kanyang pagdating sa ARMM compound kahapon.

Sa nasabing maikling programa, ipinagmalaki ng gobernador na ang kanyang naiuwing titulo na ibinigay ni PNoy ay dahil sa kolektibong pagsusumikap ng kanyang mga gabinete at mga empleyado na maipakita ang sinseridad.

Matatandaan na special mention si Mujiv sa ikatlong SONA ni PNoy kamakailan lang.

Doon ay isa-isang pinuri ni PNoy ang nagawang pagbabago ni Mujiv sa ARMM na unang beses pa lang na ginawa ng isang politiko.

‘Ika nga ng Pangulo, kung kapayapaan lang din ang pag-uusapan, malaki ang nagawa ni Mujiv para makamtan ito sa ARMM.

Una nang nagawa ni Mujiv na linisin sa ghost teachers ang mga eskwelahan sa ARMM dahilan para hindi na magkaroon ng ghost na mga guro ang mga estudyante.

Nalinis din ni Mujiv ang mga teacher na hindi lumilitaw ang pangalan sa talaan ng Professional Regulation Commission, gayundin ang mga tauhan ng gobyernong hindi naman nakalista sa plantilya ng lokal na pamahalaan, dahilan para hindi mapunta sa wala ang budget ng ARMM.

At higit sa lahat ay ang paglinis ni Mujiv sa mga multo sa voters list. Mula nga naman sa 1.8 milyong nakarehistrong botante ay natapyasan ito ng kalahating milyon na kinabibilangan ng flying voters at wala sa tamang edad na mga botante.

Kaya naman hindi kataka-taka kung tawagin man siyang certified ghost buster.

Dinaig nga naman ni Mujiv ang ilang gabinete ni PNoy na hindi man lang nabanggit ang pangalan sa SONA.

Patunay lang na nangingibabaw ang naging mga aksyon ni Mujiv sa ARMM para tumatak sa Pangulo sa maikling panahong ipinamahala sa kanya ang ARMM.

Pero simula pa lang yan, marami pang magandang proyektong nakaamba sa ARMM at yan ay magagawa kung nandyan pa rin ang isang Hataman.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply