Road rage law

ANG Senate Bill 2923 na inakda ni Senador Bongbong Marcos at hinain sa Senado noong Hulyo 2011 ay kanyang hinihiling sa kanyang mga kasama na isabatas na. Kasalukuyan itong natutulog sa Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na ang chairman ay si Senador Gregorio Honasan na isang responsableng rider.

Sina Eldon Maguan, Maureen Hultman, at marami pang iba ay mga biktima ng road rage.  Ang road rage ay isang pangyayari sa kalsada kung saan ay hindi nagustuhan ng isang motorista ang pagkilos o inasal ng isa pang motorista na nauwi sa dahas o karahasan.

Ngayon, marahil ay nagtataka ang iba kung bakit kailangan pa na merong batas na tanging para sa road rage e pareho rin naman ang kaso diyan tulad ng murder, frustrated murder, o homicide at iba pang tinatawag na criminal cases. Sa aking personal na opinyon ay sang-ayon po ako sa pagsabatas ng Senate Bill 2923 nang sa gayo’y mamulat sa kaisipan ng mga drayber na hindi basta basta’y puwede kang mag-angas, mang-away, o mang-api sa kalsada dahil lamang sa traffic altercation. Isipin ninyo, napakaliit na bagay lang niyan para ikaw ay makapatay o ‘di kaya’y ikaw mismo ang mapatay.

Sa Senate Bill 2923 ay puwedeng makansela ang iyong lisensya o ‘di kaya’y mapatawan ng lifetime prohibition and disqualification from applying a driver’s license depende sa bigat at resulta ng iyong nagawa.  “If physical injuries, damage to property, malicious mischief, or threats on the occasion of road rage are committed with the use of a deadly weapon, the offender shall be punished “with the penalty next higher in degree.” If the road-rage incident resulted in the death of the victim, the penalty for the offender shall be reclusion perpetua.” Ang reclusion perpetua o lifetime imprisonment ay may tagal na 40 taon sa loob ng bilangguan.

Kaya ang aking payo sa lahat ng motorista, kahit ano pa yan ay sikapin nating panatiliing maaliwalas ang ating mga isip sa lahat ng oras at matutong magpasensiya at magpatawad sa kapwa motorista.

*****

Sa pangunguna ni Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino ay pinabendisyunan niya sa mga pari ang mga accident-prone areas sa kahaban ng EDSA mula Munoz hanggang Magallanes noong Biyernes. Kasama rin niya si MMDA Asst. GM Emerson Carlos.

Wala namang masama sa ginawa nila Chairman Tolentino. Di rin naman ako tutol doon lalo na’t ako po’y isang Katoliko mula kapanganakan.  Ngunit babalik po ako sa aking matagal ng sinasabi. Ang Land Transportation Office (LTO) po ang may-sala sa karamihan ng mga aksidenteng nagaganap sa ating mga kalsada. Hanggang patuloy ang korapsyon sa ahensya na iyan, hanggang patuloy ang pagbigay ng lisensya sa mga hindi naman marunong magmaneho at nakakaintindi ng batas trapiko, at pati na rin sa pag-isyu ng lisensya sa mga bulag ay wala pong mangyayaring pagbabago kahit araw-arawin niyo pa po ang pag bendisyun d’yan. Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply