San Beda College of Law: Nakadalawa na sa hazing

SA taong ito, nakadalawa na ang San Beda College of Law sa hazing.

Wataymen, dalawa na ang napapatay ng mga fraternity sa kolehiyo na yan.

Parehong first year law students ang mga biktima, Suki.

oOo

Kahapon ay namatay sa De La Salle University Medical Center sa Cavite si Mark Andrei Marcos.

Kulay ube umano ito nang nakita ang kanyang bangkay ng kanyang mga kamag-anak habang inaawtopsiya sa Philippine National Police Crime Laboratory.

Ibig sabihin niyan, Suki, bugbog sarado si Marcos.

At sa kuwento ng kanyang mga kamag-anak na pumiga sa mga nakaaalam sa pangyayari, dumaan sa initiation rite si Marcos para sa pagpasok niya sa isang fraternity.

Malamang na iuuwi si Marcos sa kanyang bayan sa Tarlac para paglamayan.

Nitong huli, mayroon na umanong isang babae na hawak ng pulisya at iniimbestigahan ukol sa pangyayari.

Sana naman, lalabas ang katotohanan diyan.

oOo

Noong Pebrero 2012 o ilang buwan lang ang nakararaan, namatay rin sa hazing si Marvin Reglos.

Ngunit sa Antipolo City naman ginawa ang hazing.

Galing sa pamilyang magsasaka at overseas Filipino worker sa Isabela si Reglos.

Panay ang kayod ng mga magulang niya para maging abogado lamang siya.

Pero nalagot ang pangarap ng kanyang pamilya  sa kamay ng Lambda Rho Beta fraternity.

Ang huli nating balita ay may mga nakademanda na sa mga hinihinalang gumawa ng hazing.

Pero pinaiiral ang “In all criminal prosecutions, the accused shall be presumed innocent until the contrary is proved…” ng Article 13, Section 14, Paragraph 2, Bill of Rights, ng 1987 Constitution.

Aabutin kaya ng 20 taon ang kaso rito?

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply