SC ‘di magiging Aquino court dahil kay De Lima – solons

TIWALA ang ilang kongresistang nasa likod ng pagpapatalsik kay dating Chief Justice Renato Corona na hindi magiging “Aquino Court” ang Korte Suprema sakaling iupo dito ang sinumang kaalyado ni Pangulong Aquino.

Ito ang reaksyon nina Aurora Rep. Sonny Angara, spokesman ng prosekusyon sa impeachment trial, at ni CIBAC Partylist Rep. Sherwin Tugna  na naging miyembro naman ng prosekusyon.

Ipinahayag ito nina Angara at Tugna matapos pormal na tanggapin ni Justice Secretary Leila De Lima ang nominasyon niya sa Judicial and Bar Council upang siyang ipalit Corona.

Ayon kay Tugna, maaaring sa paningin ng mga kritiko ay maging sunud-sunuran lamang ni Pangulong Aquino si De Lima kapag naupo ito bilang Chief Justice.

Subalit tiniyak ni Tugna na may integridad diumano ang kalihim at mapatutunayan ang pagiging independent nito sa halip na maging ‘tuta’ ito tulad ng iniisip ng iba.

Giit ni Tugna na makabubuti mabigyan ng pagkakataon si de Lima na maisalang sa screening process ng JBC bago pa man husgahan.

Binigyang diin naman ni Angara na walang masama kung nasama man sa nominasyon si de Lima dahil kwalipikado naman ito  sa pagkapunong mahistrado kung abilidad at integridad ang pag-uusapan.

Tiniyak din nina Tugna at Angara na hindi makakaapekto para sa nominasyon ni de Lima ang  pagtestigo nito upang mapatalsik si Corona dahil ang magiging batayan naman ay ang mga records at kakayahan nito.

Subalit duda dito si Atty. Ferdinand Topacio, isa sa mga abogado ng mga Arroyo, dahil hindi magandang tingnan na ang isa sa pasimuno sa pagpapatalsik kay Corona ang siyang hahalili dito.

Maituturing, aniyang, dagdag insulto ang pagsali ni de Lima sa mga pinagpipilian para sa susunod na punong mahistrado.

Ang pagiging malapit ni Corona kay dating pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo ang isa sa dahilan kung bakit ito nasampahan ng impeachment complaint gaya rin  ng sitwasyon ngayon ni De Lima na dikit sa Pangulong Aquino.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply