Senado binatikos ng mga ex-detinido

BINATIKOS ng grupong SELDA (Samahan ng Ex-Detainees Laban sa Detensyon at Aresto) ang Senado sa patuloy na pagbibinbin nito ng panukalang batas para sa pagkilala at kompensasyon sa mga biktima ng Batas Militar.

Ibinulalas ng SELDA ang labis na pagkadismaya nito matapos sumakabilang buhay kamakailan  sina Jose “Ka Bong” Barsoles at Romeo “Ka Romy” Luneta, dalawa sa mga lider ng SELDA na parehong biktima ng diktadurang Marcos. Parehong kasama ang dalawa sa mahigit 9,000 plaintiff na nagsampa ng class suit laban sa mga Marcos noong 1987.

Mga lider

Noong Hunyo 29, pumanaw sa sakit na tuberculosis si Jose “Ka Bong” Barsoles, 61, tagapangulo ng SELDA-National Capital Region. Si Ka Bong ay isa sa mga natanggal sa listahan ng claimants na dapat sana’y tatanggap ng $1,000 bawat isa na ipinamahagi noong nakaraang taon bilang kompensasyon sa mga biktima.

Noon namang Hulyo 9, pumanaw si Romeo “Ka Romy” Luneta dahil sa mga kumplikasyon ng kanyang diabetes. Si Ka Romy ay board member ng SELDA, at isa sa mga magkakapatid na Luneta na dumanas ng pagkakakulong, tortyur at iba pang klase ng paglabag sa karapatan matapos ipataw ang Batas MIlitar noong 1972.

Nagluluksa at nagagalit kami. Hanggang sa huli na pinaglalamayan namin ang aming mga kasama, ni hindi nila nakamit ang hustisya para sa lahat ng hirap na dinanas nila noong panahon ng Batas Militar,” sinabi ni Angelina Ipong, secretary general ng SELDA.

Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa rin naipapasa ng Senado ang Senate Bill 2615. Noong Marso, naipasa na sa Kongreso ang House Bill 5990 o “An Act Providing Compensation to Victims of Human Rights Violations during the Marcos Regime.”

Ayon sa grupo, sinabi sa kanila ni Sen. Francis Escudero na naghihintay lang ng pirma ng mga senador ang kanilang komite para maipasa na ito. Si Escudero ang tagapangulo ng Committee on Justice and Human Rights ng Senado.

Kapag naisabatas, tatanggap ang mga biktima ng kompensasyon na aabot sa P10 billion o 243.9 milliong dolyar, na mula sa mga kinumpiskang nakaw na yaman ng mga Marcos.

“Hihintayin pa ba ng Senado at nila Sen. Escudero na mangamatay lahat ng mga biktima bago nila ipasa ang batas? Aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo?” ani Ipong.

Ayon sa grupo, higit sa kompensasyon ang habol ng mga biktima, kundi ang pagkilala sa kanilang mga naging bayani ng isang madilim na panahon ng kasaysayan, at ang hustisyang 40 taon nang ipinagkakait sa kanila.

“Dalawang taon ang gobyernong Aquino, tulog pa rin ang panukalang batas na priority bill pa daw umano.  Hindi abuloy sa patay ang kailangan namin, kundi hustisya,” ani Ipong.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply