Si Corona at ang ibang mga problema ng Pinas

WALA na, hindi na pinag-uusapan si dating Chief Justice Renato Corona.

Kung pinag-uusapan man siya ngayon, konektado lamang sa ginagawa ng Judicial and Bar Council na mamimili ng kanyang kapalit.

Kung sino ang dapat na pumalit sa kanya ay depende sa irerekomenda ng JBC kay Pangulong Noynoy Aquino para piliin at italaga.

Pero sabi ng iba, pupuwede ring basta pumili si PNoy nang wala sa listahan ng JBC.

Pero hindi ito, mga Bro, ang ating tatalakayin.

Sa halip, talakayin natin ang ibang mga problema ng bansa na tila doon wa epek ang pagkakatanggal ni Corona bilang Chief Justice.

KONTRAKTUWAL NA OBRERO

Grabe, mga Bro, ang kalagayan ng mga kontraktuwal na obrero.

Kung lilibutin ninyo ang mga probinsya, halos lahat ng mga opisyal diyan ay nagsasabing namamayani ang kontraktuwalisasyon.

‘Yun bang hanggang limang buwan lang ang itatagal ng trabaho ng obrero o empleyado sa mga kompanya.

Ang daming mga magulang na biktima ng kontraktuwalisasyon na ito.

Mula sa kuwento ng mga biktima ng sistemang ito, nakalulungkot isipin na matagal bago sila makahanap ng ibang trabaho.

Anim na buwan, isang taon, dalawang taon.

MAY HIRAP NA MAY GUTOM PA

Nakaiiyak, mga Bro, ang nangyayari sa pamilya ng mga kontraktuwal.

Kauna-unahang nararanasan ng mga pamilyang kontraktuwal ang hirap at gutom.

Nagsisimula agad ang hirap at gutom pagkatanggal sa trabaho ng isang kontraktuwal.

Sumunod dito ang kawalan ng pambayad ng ilaw at tubig.

Pagdating ng ikalawa o ikatlong buwan, pinalalayas na sila sa kanilang mga inuupahang bahay.

Ang mga may hinuhulugang tahanan naman, tiyak na darating sa kanila ang notice ng Pag-IBIG na magba-yad si kontraktuwal kung hindi, eh, rerematahin ang kanyang bahay.

Ah, yung mga bata, itina-transfer lahat sa public school.

SA MORGE ANG HANTUNGAN

‘Yung mga maysakit, itinatakbo sa mga public hospital na pila-pila ang pasyente.

Kung mamalas-malasin ang kontraktuwal, sa morge na lang siya pupulutin.

Kasi, kahit sa pampublikong ospital siya itakbo, siya pa rin ang bibili ng kanyang mga gamot sa loob at labas ng ospital.

Napakamahal din ang mga gamit na pribado sa loob ng mga ito gaya ng mga ultrasound at iba pa.

Diyan siya pinipiga naman ng mga doktor sa komisyon sa mga gamot at gamit sa ospital.

Natanggal na at papalitan na’t lahat si Corona, lumalala parin ang kontraktuwalisasyon.

POWER HIKE

Natanggal na’t lahat si Corona, pasama parin nang pasama ang presyo ng kur-yente sa Pinas.

Dati, pangalawa lang tayo sa Japan na may pinakamahal na kuryente sa Asya.

Ngayon, natalo na natin ang Japan at kabilang na tayo sa iilang bansang may pinakamahal na kuryente.

Ang masakit dito, puno ng mga mahihirap ang Pinas at sila pa ang may napakamahal na kuryente.

LUMALAYAS NA NEGOSYANTE

Bago nagsara at lumayas ang Ford Philippines, marami nang nagsara at lumayas na mga negosyante sa mahal kong Pinas dahil sa sobrang mahal na kuryente.

Kabilang sa mga ito ang isang malaking supplier ng tsokolate sa Nestle Phils.

Noong wala pa ang Electric Power Industry Reform Act na naglalayong ibaba ang halaga ng kuryente sa Pinas, daang libo lang ang halaga ng binabayaran ng kompanya para sa kuryente.

Halos katumbas lang ng gastos sa kuryente ang gastos para sa sahod ng mga obrero.

Pero nang pinairal na ang EPIRA, akalain ba nating  naging P1 milyon, P2 milyon ang buwanang bayarin nila sa kuryente.

Para sila makatipid, ginawa nilang kontraktuwal ang mga obrero.

Pero hindi pa rin ito umubra sa pagsasakripisyo nila sa kagalingan at karapatan ng mga anak-pawis.

Sa huli, nagulat na lang tayo nang wala nang maba-ngo at amoy tsokolate sa kapaligiran. Nagsara na pala ang kompanya at lumipat ang kanyang mga planta sa Indonesia at Malaysia.

INAAYAWAN NG MAMUMUHUNAN

Ipinagmamalaki, mga Bro, ng ilang opisyal ng pamahalaan na magiging kaakit-akit na umano ang Pinas bilang investment area sa Asya.

Sana nga mangyari ito.

Pero ang totoo sa kasalukuyan, tayo ang pinakakulelat sa maraming bansa sa Asya bilang sentro ng negosyo ng malalaking kompanya.

Tayo ang pinakaiiwasan nila.

Isang dahilan ang napakamahal na gastos dito gaya ng kuryente.

Pero ang isa sa mga i-naangal nila ay walang pambili ng produkto ang mga Pinoy. Paano nga naman makabibili ng sasakyan, laptop, computer at iba pa ang mil-yones na kontraktuwal na manggagawa at seasonal workers sa mga sakahan at pangisdaan?

Kung magbenta naman sila ng kanilang mga produkto, hindi pa nakalalayo ang kanilang delivery truck ay inaabangan na sila ng mga kotongista sa kalsada.

Isa pa, tuwing halalan at bago pa magsimula ang mga ito ng negosyo, tadtad na sila ng kotong din sa prangkisa, sa permit, sa mga clearance gaya ng environment compliance certificate at marami pang iba.

Huwag na kayang isangkalan si Corona sa problema at harapin nang harap-harapan ang mga problemang nabanggit?

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa  www.remate.ph o i-text sa 09214303333.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply