Si Dolphy bilang Filipino

NAMAALAM man ang hari ng komedya na si Dolphy ay buhay pa rin ang alaala niya sa buong sambayanan. Ilang dekadang naging bahagi ng buhay natin ang Comedy King. Sa mga pelikulang pinilahan natin para panoorin at mga TV show niya na walang sawa nating sinubaybayan. Kahit mga ordinaryong Filipino na marahil ay hindi nakita na si Dolphy ay nakaramdam ng lungkot at pangungulila. Mahal ng sambayanang Filipino si Dolphy.

At bakit nga ba ganoon na lang ang pagmamahal ng tao kay Dolphy? Iba’t ibang dahilan kung bakit. Pero ang malaking bahagi ay dahil sa naging inspirasyon ng marami si Dolphy at ang mga ka-rakter na ginampanan niya sa telebisyon at pelikula. Si Dolphy ay tunay na Filipino.

Sa “Buhay Artista” na programa, hindi malilimutan ang tandem niya kay Panchito na isinasalin sa Tagalog ang kantang banyaga o Ingles sa Tagalog. Mamamatay ka sa katatawa sa punchline nina Dolphy at Panchito.

Sa “John en Marsha”, ang karakter niya na John Purontong ay larawan ng isang mapagmahal na ama at mabuting asawa. Mahirap man ay nagsisikap mabuhay nang marangal. Imortal ang kataga ni Doña Delilah (Dely Atay Atayan) kapag sinasabon si John Purontong ng “KAYA IKAW JOHN MAGSUMIKAP KA!” Halos lahat ng tao ay inaabangan at pinanonood ang sitcom na “John en Marsha.” Nagkaroon din ng pelikula ang”John en Marsha” (John en Marsha, John en Marsha ’77, John en Marsha sa Amerika) Walang kasawa-sawang pinanood ng tao si Dolphy.

Ganundin ang “Home Along Da Riles” bilang si Kevin Kosme. Isang mapagmahal na ama at mabuting tao si Kevin. At lahat ng pamilyang Filipino, sa tabi man ng riles nakatira o hindi ay nagkaroon ng inspirasyon at pag-asa sa buhay dahil kay Dolphy.

Naging bahagi rin sa pagbibigay ng social acceptance si Dolphy sa mga bakla. Maraming pelikula si Dolphy na gumanap siya nang bakla. “Jock en Jill”, “Fefita Fofonggay”, “Pacifica Falayfay”, “Markova” at iba pa. At dito ay binigyan niya ng dignidad ang Third Sex.

Lalo na sa “Ang Tatay kong Nanay” na hindi lang tuwa ang nadama ng mga nanonood kundi pag-unawa sa mga bakla.

Kumakanta at mahusay ring sumayaw si Dolphy. Sa marami niyang pelikula ay mismo siya ang umawit ng theme song tulad ng “My Heart Belongs to Daddy” at mga dance number na kasama niya si Bayani Casimiro.

Jetsetter din si Dolphy. Hindi pa uso ang mahahabang shorts na pinauso noong kasikatan ni Michael Jordan sa NBA ay ganoon na ang shorts ni Dolphy bilang John sa “John en Marsha”.

Tawag nga doon ay Puruntong Shorts.

Matulungin din si Dolphy sa tao. Basta’t makakatulong ay bukasang paladng Comedy King.

Napakarami na taga showbiz at hindi taga showbiz ang natulungan ni Dolphy.

Si Dolphy rin ay isang TAO. Very much a “human being”. Maraming minahal at maraming nagmahal. Mapagmahal na ama. Lahat ng kanyang anak ay kanyang inalagaan at binigyan
ng magandang kinabukasan.

Marami pa tayong maisusulat tungkol sa Comedy King na si Dolphy. Marahil at puro tawa at tuwa sila sa kabilang buhay kasama ang marami niyang kaibigan. Higit sa lahat ay kasama na niya ang Panginoon. Si Dolphy, hindi lang Comedy King, isa siyang dahilang Pilipino at mahal ng sambayanang Pilipino.

Maraming salamat po, Mang Dolphy. Mananatili po kayong buhay sa aming alaala.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply