Si Noli na ang kasunod

MUKHANG hindi talaga titigil si Pangulong Noynoy hanggat hindi niya napagbabayad ang lahat ng mga taong alam niyang kasama at nakinabang noong panahon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Matatandaan na sa ngalan ng paglaban sa korapsyon ay una niyang sinampahan ng sanrekwang kaso si GMA at dating Comelec Chairman Benjamin Abalos na magkakutsaba daw sa pandaraya noong 2007.

Parehong swak agad sa kulungan sina GMA at Abalos dahil mabigat at non-bailable offense ang election sabotage. Bagamat dahil mahina daw ang kaso ay naobliga ang korte na payagang magpiyansa si GMA noong isang linggo.

Partner din sina GMA at Abalos sa naudlot na kontrobersyal na NBN-ZTE deal kaya asahan nila na marami pang unos ang darating sa buhay nila. Maliban sa kanila ay sandamakmak na kaso rin ang isinampa kina dating FG Mike Arroyo, sa anak nilang si Mikey at idinamay na rin ang asawa niyang si Angela.

Nandiyan din ang iba’t ibang mga kaso ng katiwalian laban kay former

Pagcor Chairman Ephraim Genuino at sa mga anak nito at marami pang iba na nakinabang daw ng husto noong panahon ni GMA.

At siyempre isama na rin natin sa listahan ang makasaysayang pagpapatalsik kay Chief Justice Renato Corona sa pamamagitan ng impeachment.

Pero sa kabila ng lahat na iyan ay mukhang hindi pa tapos at nag-uumpisa pa lang si Pangulong Noynoy. Dahil halatang ang gusto na niyang

isunod sa mga pananagutin niya ay si dating Vice President Noli de Castro.

Gaya ng ginawa niya kina GMA, Corona, Genuino et al, lahat ay idinaan niya sa speech ang pagpapasimula ng kanyang pag-uusig.

Wala siyang pakialam kung imbitado lang siya sa isang okasyon gaya ng ginawa niya kay Corona na naging hudyat para umpisahan ng kongreso ang pagsasampa ng impeachment case.

Nitong nakaraang pagdiriwang naman ng ika -25 taon ng TV Patrol sa Manila Hotel ay sinimulan na niya ang atake kay De Castro sa pagpapahayag ng sama ng loob niya laban sa broadcaster.

At dahil may mga problema rin si De Castro gaya ng pagkakasabit ng pangalan niya sa raket ng Globe Asiatique ni Delfin Lee, mukhang ilang araw na lang ang bibilangin at may malaking problema na ring  kahaharapin si Noli.

At walang pakialam si Pangulong Noynoy kung sinimulan niya iyon sa okasyon mismo na si Noli dapat ang bida.

Hala, humanda ka na Noli!

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply