Simbahan bukas sa Charter change

KASUNOD nang panukalang amyendahan ang Konstitusyon, sinabi ng pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na bukas ang Simbahang Katoliko sa Charter change sa ilalim ng administrasyong Aquino kung ito’y para sa ikabubuti ng bansa.

Nilinaw naman ni CBCP President at Cebu Archbishop Jose Palma na ni hindi napag-uusapan ng mga lider ng simbahan ang isyu, ngunit kung talagang may mga batas na dapat na baguhin ay bukas naman aniya sila dito.

Gayunman, sinabi ni Palma na bago tuluyang isagawa ang Cha-cha ay dapat na ikonsidera muna ang iba pang mga aspeto o bagay na may kaugnayan dito tulad na lang ng mga gastusin at iba pang implikasyon nito.

Aniya, dapat na ikonsidera rin ang praktikalidad kung aamyendahan ang Saligang Batas.

Gayunman, ipinauubaya na umano ng simbahan sa mga mambabatas kung kinakailangan ang Cha-cha at kung posible ba ito sa hinaharap.

“Katunayan ito nga ang issue na hindi namin napag-usapan, pero in the past sabi nga natin na kung mayroong mga laws na ika nga na kailangang baguhin then we are open to Chacha,” ani Palma sa panayam ng church-run Radio Veritas.

Magugunitang, ang CBCP ay isa sa mga masigasig sa pagtutol sa Cha-cha noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Nauna rito, kamakailan isinulong nina House Speaker Sonny Belmonte at Senate President Juan Ponce Enrile ang pag-amyenda sa Konstitusyon ngunit nagpakita naman ng kalamigan dito si Pangulong Benigno Simeon Aquino III.

Samantala, duda naman si Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz na walang kinalaman ang pangulo sa Chacha at sinabing imposibleng hindi inudyukan ni PNoy sina Belmonte at Enrile na mag-usap kaugnay sa pagsusulong ng pag-amyenda sa Konstitusyon.

Aniya, maraming probisyon sa batas ang nais nilang palitan gaya na lamang sa provision on territorial integrity para sa pagsusulong ng sub-state ng Bangsamoro o MILF.

Bukod dito, naniniwala ang arsobispo na nais din ni Pangulong Aquino na baguhin ang economic provisions ng Saligang Batas para pumasok ang maraming dayuhan sa bansa na aniya’y lubhang mapanganib sa lahat dahil baka magising na lamang tayo na lahat ng pag-mamay-ari ng gobyerno ay nasa mga dayuhan na.

Dagdag ng arsobispo, bukod sa diborsyo at same sex marriage, masigasig rin ang pangulo sa pagsusulong ng Reproductive Health bill kaya’t nais nitong alisin ang Article 15 ng 1987 Philippine Constitution na nagpapatibay sa pamilya at kasagraduhan ng kasal.

Sinabi naman ni Tagbilaran Bishop Leonardo Medroso na naniniwala siyang kailangan nga ng Konstitusyon ng amendments dahil kailangan aniyang maging ‘friendly’ sa mga foreign investors ang ating mga economic policies.

“We should create policies that offer incentive and protection to foreign businessmen so that we can attract more investors to put business in the country,” aniya pa.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply