Sisihan pagkatapos ng ulan

KAKAIBA talaga ang mga namumuno sa bansa natin.

Hindi sila natututo sa karanasan kaya naman hindi rin sila marunong gumawa ng tamang desisyon sa mga oras na dapat silang umaksyon.

Gaya na lang halimbawa sa nangyari noong nakaraang araw nang biglang bumuhos ang walang humpay na ulan dala ng low pressure area.

Isipin na lang na hatinggabi pa lang ng Lunes ay wala nang tigil ang ulan pero wala ni isa man sa mga opisyal ng pamahalaan ang nagdeklara habang maaga pa lang ng Martes na walang pasok sa mga eskuwelahan.

Sa madaling salita wala silang sense of urgency.

Magmula kay Pangulong Noynoy hanggang kay Sec. Armin Luistro na kalihim ng Department of Education (DepEd)  ay walang nagkusa para suspendihin ang klase.

Iyon ay kahit daig pa ang may bagyo sa lakas ng buhos ng ulan sa buong Metro Manila.

Kung sensitibo lang sana si Luistro sa kalagayan ng mga magulang at estudyante, dapat ay sa kanya na mismo nanggaling ang desisyon na suspendihin ang klase.

Sa totoo lang ay puwedeng ikatuwiran ni Luistro na hindi niya trabaho ito dahil sa Executive Order 66 na na unang pinirmahan ni Noynoy na nag-aatas  sa mga local executive na magdeklara ng walang pasok sa mga lugar nila pag walang storm signal.

Pero kung may malasakit sana siya at nakikita naman niya ang sitwasyon ay puwede namang siya na rin ang nag-utos na suspendihin ang klase.

Ang resulta, naging mabagal ang mga anunsiyo ng suspension of classes kaya maraming mga estudyante at magulang ang nahirapan at nabasa sa ulan.

At gaya ng inaasahan ay biglang nagsisihan na naman ang mga opisyal ng pamahalaan.

Nagpapogi pa si DILG Sec. Jesse Robredo at kunwari ay sinisi pa ang mga mayor dahil late na silang nagdeklarang walang pasok.

Paulit-ulit na lang ang eksenang ganito.

Sa totoo lang kung matitino at mahuhusay lang talaga ang mga namumuno sa atin  dapat sana ay matagal nang nasolusyonan at wala nang eksenang ganito tuwing may mga kaparehong siwasyon.

Pero malas lang talaga tayong mga Pinoy.

Natapat tayo sa mga lider na magaling magpa-pogi pero puro palpak.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply