Imported na bigas sobra, Pinas nag-angkat pa rin

KINUWESTYON ni Pangulong Benigno Aquino  ang pag-angkat ng gobyernong Arroyo ng 2.47 million metric tons ng bigas  gayong 1.3 million metric tons (MT) lamang ang kasalatan ng bigas sa bansa.

“1.3 million ang kulang, pero ang aangkatin ay 2.47 million? Saan napunta ang mahigit isang milyong metriko toneladang bigas? Itinambak lang ito sa mga warehouse. Gamit ang pera ng taumbayan, gumastos sila sa pag-angkat, gumastos sila sa pambayad sa bodega, pero may pinakinabangan ba si Juan dela Cruz sa sobrang bigas? Wala,” diing pahayag ni Pangulong Benigno Aquino III sa kanyang mensahe sa MAKINA SAKA 2012 na idinaos sa World Trade Center sa Lungsod ng Pasay.

Sa kabila ng sobrang bigas,  ” noong 2011, halos 855,000 (MT) na lamang po ang kinailangan nating angkatin na bigas. Bumaba ito ng animnapu’t limang porsyento. Ngayong 2012, 500,000 (MT) na lamang po ang kailangan nating angkatin, ayon sa Pangulo.  Ayon sa mga tagamasid, kung susumahin, 1.3 million MT din ang inangkat ng bigas sa dalawang taon ng panunungkulan ni Aquino.

Sa katunayan, ayon kay Kalihim Procy Alcala, sa susunod na  taon, hindi na mag-aangkat ng bigas dahil rice self-sufficient na tayo. Kung papalarin at hindi tayo masyadong bayuhin ng bagyo, mukhang pagdating ng 2013, hindi lang po tayo self-sufficient, tayo na po mismo ang mag-eexport ng bigas.”

Sinabi pa rin ng Punong Ehekutibo na kung magawa ibaba ng anim na porsyento ang mga nasasayang na palay dahil sa postharvest losses ay tinatayang aabot ng 650,000 metriko tonelada ang maidadagdag sa kamalig ng bansa.

“Ibig sabihin ay hindi lang ito sasapat para sa aangkating 500,000 metriko toneladang bigas para sa 2012; may sobra pa, sabi ng Pangulo.

Kaugnay nito, P1 bilyon ang inilaan ng gobyerno para bumili ng mahigit 2,300 units ng postharvest machinery at iba pang kagamitan noong 2011.
Ngayon 2012, P2.6 bilyong naman ang inilaang pondo ng gobyerno para ipamahagi ang may pitong libong makinang pansaka sa mga grupo ng magsasaka at mga lokal na pamahalaan.

“Maliban dito, namumuhunan din tayo sa rehabilitasyon at pagkukumpuni ng mga irigasyon. Ginagawa natin ito, hindi lamang para madagdagan ang  bukid na maaaring taniman, kundi para rin masiguro na matataniman ang lupa kahit sa panahon ng tagtuyot. Nakasalalay po ang tagumpay nito sa aktibong pakikipag-ugnayan ng Department of Agriculture at ng National Irrigation Administration sa mga Local Government Units, gayundin po sa mga volunteer groups, kooperatiba sa mga kanayunan at sa pribadong sektor,” ang pahayag ng Pangulong Aquino.

Kaugnay nito, ibinalita rin ng Pangulong Aquino na isinusulong din niya ang pagpapalakas ng research and development.

Aniya, mahalagang magkaroon ng mas pinatibay na koordinasyon sa pagitan ng mga State Colleges and Universities, at ng Department of Agriculture upang tulungan ang mga agriculture professionals, mga magsasaka at mga growers sa wastong paggamit ng mga makabagong teknolohiya at pamamaraan upang makabuo ng mas mataas na kalidad ng mga binhi.

Samantala, hinikayat naman ng Chief Executive ang pribadong sektor na patuloy na makibalikat sa pagpapayabong ng agrikultura ng bansa.

“Ang pagbabayanihan natin ang susi upang matiyak ang pangmatagalang seguridad sa pagkain, gayundin sa mas matatag na ekonomiya ng bansa.Nananalig akong ang tagumpay ng Makina Saka 2012 ay magiging isang dambuhalang hakbang tungo sa mas moderno, mas kapaki-pakinabang at mas matatag na sektor ng pagsasaka. Higit pa natin itong makakamtan kung tuloy-tuloy ang pagkukusa nating bigyang-lakas ang ating kapwa Pilipino. Bawat binhi ng repormang ipinupunla natin ngayon ay siyang aanihin at ipapamana natin sa susunod na henerasyon. Samahan po ninyo ako: Ituloy po natin ang pagtahak sa tuwid na landas, at atin pong pitasin ang mas mayabong na bukas,” ayon sa Pangulo.

Binigyang diin ng Pangulong Aquino na hindi niya naging ugali na mag-angat ng sariling bangko subalit malinaw sa talaan ng Bureau of Agricultural Statistics ang di-matatawarang pag-angat sa suplay ng palay.

Nagtataka aniya siya kung bakit nagiging isyu ang suplay ng bigas gayong ang International Rice Research Institute, ang mga de-kalidad na eskwelahan ng agrikultura, at ang mga dalubhasang nagtuturo sa mga eksperto mula sa iba’t ibang bansa sa Asya, ay Filipino.

“Tayo ang nagturo sa kanila kung paano magtanim, pero para bang hindi tayo nakinig sa sarili nating leksyon, kaya tayo na ang umaangkat sa kanila,” ani Aquino.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply