Solid ang Tsino; tayo?

NAKAHANDANG makipagputukan ang ating sailors na nagpapatrulya sa Panatag Shoal sa West Philippine Sea.

Ito Ang Totoo: kapag pinutukan ng Chinese vessels ang ating Navy at Coast Guard, wala silang choice kundi ipagtanggol ang sarili.

Naglipana na ang mga sasak-yang pandagat ng bansang Tsina sa Panatag Shoals pero hanggang sa ngayon, nakatengga sa Subic ang Philippine Navy ships BRP Gregorio del Pilar, BRP Humabon at mga Coast Guard ship na BRP Corregidor at BRP Edsa.

Sa sandaling atasang lumayag sa Panatag Shoals, pitong oras ang pinakamabilis na dating nila doon, bagay na mas mabuti na kumpara kung sa Maynila pa manggagaling.

At kung sakaling naka-deploy uli sa ating shoals na inaagaw ng Tsina, anomang saglit ay maaaring putukan at makikipagputukan at Diyos lang ang nakaaalam kung may matitira sa kanila.

Ang mga kagawad ng ating Navy at Coast Guard ay mga tao – may mga asawa, anak, magulang kapatid at mga kaibigan.

Pero trabaho nila na ipagtatanggol ang ating bansa kaya kasama na ang sakripisyo, sukdulang ialay ang kanilang buhay, kung kailangan, upang magampanan ang kanilang tungkuling sinumpaan.

Bilang mamamayan, nasa atin naman dapat ang pagbibigay suporta sa ating mga tagapagtanggol, bagay na magagawa sa maraming paraan. Isa ang pagbabayad ng tamang buwis para makalikom ang pamahalaan ng pondong pambili ng gamit ng sandatahang lakas.

Ang mga nakaupo sa puwesto ay dapat tigilan na ang pangungulimbat ng pondo ng bayan para naman mapunta sa talagang pangangailangan. At lalong-lalo na, kasama na ang media, na dapat magkaisa sa pagtukoy sa Panatag Shoal, Spratlys, Paracel Islands at iba pa na pag-aari ng Pilipinas na inaagaw ng Tsina, ‘di “disputed.”

Hindi ba nga ang mga Tsino ay malinaw na nagkakaisa na sa ganang kanila, walang duda na pag-aari nila ang mga nabanggit.  Tigilan na rin ang panlalait sa sariling kakayahan ng bansa dahil ang kahandaang lumaban at magbuwis ng buhay ay sapat upang iangat ang dangal ng bansa at lahing Pilipino.

Ika nga, si Sen. Lacson ay puro gawa at si PNoy ay walang awa sa mali ang ginagawa.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply