SONA ng isang boss ni PNoy

“AT sa akin pong mga boss,” pagbati ni President Noy sa ating taumbayan noong Lunes sa kanyang State of the Nation Address, “magandang hapon po.”

Ano naman kaya ang sinagot ng mga boss ni PNoy sa kanyang talumpati? Kanya-kanyang reaction ang ating mga bosing kaya’t naglakas loob na rin akong sagutin punto por punto hangga’t maaari ang mga hamon ni PNoy sa amin na bosing niya.

Nagpalakpakan ang mga mapapalad na mga bosing na naka-aircon sa bulwagan ng Batasang Pambansa.

Sa tapat naman ng Batasan, off limits ang mas nakararaming mga bosing natin dahil security threat tayo sa ating Pangulo. Parang panahon ni Gloria Macapagal Arroyo. Parang panahon ni Erap Estrada, Fidel Ramos, Cory Aquino, at ni Ferdinand E. Marcos.

Lahat sila ay takot humarap sa bayan, ke demonstrador man sila o simpleng naglalakad lamang malapit sa Batasan.

Mabuti pa si Lady Gaga. Hinarap niya ang libo-libo niyang mga tagahanga sa kabila ng mga security threat sa kanya sa concert sa pampang ng Manila Bay.

Ano ba ang kinatatakutan ng mga pinuno natin? Eh, sabi nila, ang ganda na ng Pinas. It’s fun to be in Pinas.

Ang sabi ni PNoy, bumaba na ang crime rate generally. Totoo ba yan, General? Sa Metro Manila na lamang daw marami ang krimen. Gumanda na raw ang buhay ng mga bosing ni PNoy. May maayos na health insurance na raw, mas maraming bata na raw ang nakapag-aaral, mas marami na ang may trabaho at, among other things, kakaunti na raw ang illegal loggers.

Sa harap at paligid mismo ng Batasan sa Quezon City kung saan nagtalumpati si PNoy ay talamak ang krimen.

Kay raming rapist, kay raming snatcher, kay raming nang- ho-hold-up, kay raming carjacker, kay raming child laborer, kay raming batang hindi nag-aaral, at kay raming hindi kumakain nang maayos maski minsan lamang sa isang araw.

Well, sa Metro Manila lamang iyan, sabi ni PNoy. Sana naman ay huwag siyang naniniwala ka agad-agad sa kanyang mga tsu-tsu, sa kanyang gabinete. Outside of Metro Manila, kapansin-pansin ang buhos ng mga squatter. Naroroon sila sa halos lahat ng lugar sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Kung totoo ang mga statistics, eh, di sa libis ng nayon na lang sana nanirahan ang iba nating mga bosing sa halip na nakipagsapalaran sila sa Metro Manila, sa Saudi, sa Lebanon, sa Syria at sa Hong Kong, etc.

Ngunit hindi. Lumabas sila ng libis ng nayon na tahimik ang buhay at puno ng kasaganaan at tumungo sa Maynila at abroad upang doon sila ma-rape, ma-hold-up, ma-isnatsan, mapugutan ng ulo at maging mistulang alipin.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply