SONA ni PNoy at iba pa

PANGATLONG araw na ngayon ng pag-aayuno ng mga kapatid nating Muslim mula nang mag-umpisa ang buwan ng Ramadhan nitong nakaraang Hulyo 21, 2012.

Sa buwan ng Ramadhan ay ipinagbabawal ang pagkain o pag-inom pati na ang pakikipagtalik mula sa itinakdang 4:00 am hanggang sa paglubog ng araw.

Isa ito sa mga obligasyon ng mga taong yumakap sa relihiyong Islam. At nagkataon din na araw ito ng State of the Nation Address (SONA) ni PNoy na alam nating sa administrasyon lamang nya nagkaroon ng tsansa na magkaroon ng totoong reporma sa ARMM.

Sana ay maisama ni PNoy ang mga positibong nagawa niya sa ARMM sa kanyang mga nakatakdang ipahayag ngayon sa kanyang SONA.

Kung magkakatotoo ito, magiging mabisang pananggalan na naman ito ni RG Hataman para mas lalong mapagtibay ang paniniwalang walang dapat na sinisino ang batas laban sa mga taong baluktot ang paniniwala. Tuwa ko lang kapag nagkaroon ng katuparan ang matagal nang kagustuhan na mabigyan ng leksyon ang ilang politiko na makasuhan dahil sa kanilang pagmamalabis.

Pihadong marami ang natutuwa sa mga nagaganap bagama’t may ilan din na hindi kuntento gaya ng ilang sektor na tinamaan ng mga reporma ang kanilang mga baluktot na estilo. Okay ang mga ganitong kaganapan para maramdaman na may totoong gobyerno sa ARMM na kumakalinga sa mga pangangailangan na baguhin ang mga bulok na sistema.

Pero teka lang at bago tayo malunod sa mga papuri ay suriin nating mabuti ang ugnayan ng RAMADHAN sa mga reporma na nais ipatupad sa ARMM ni PNoy sa pamamatnugot ni OIC Regional Governor Mujiv S. Hataman.

Dati rati ay may kakulangan sa monitoring ng mga proyekto sa ARMM kung kaya’t hindi nabibigyan ng pansin ang kahinaan o diperensya ng mga kontraktor na naatasan na mangasiwa sa mga nasabing proyektong pampubliko.

Aktibo ngayon ang Assistant Secretary for Regional Concerns na si Dr. Darwin Rasul III na masipat ang mga mali ng mga nasabing kontraktor at kung nararapat ay masampahan ng kaso ang mga taong may mga paglabag sa batas.

Sinasabi ng mga ulama na sa tuwina ay dapat isaisip ang kabutihan ng lahat lalo na’t panahon ngayon ng pagtitika na nangangahulugan ng maayos na pagpapatupad ng mga proyekto.

Sa isang report, sinasabing milyones na ang natipid ng ARMM mula nang umpisahan ang transparent na transaksyon sa ARMM dahil sa nawala ang malakihang kupitan na laging inirereklamo laban doon sa mga naunang administrasyon.

Sapantaha ko lang, ha! Mas marami pang positibong magagawa ang administrasyon ni PNoy kung sa nalalapit na panahon ay maisama niya sa kanyang gabinete si Sen. Panfilo Lacson bilang kalihim ng Department of the Interior and Local Governments kapalit ni Sec. Jesse Robredo. Si Sen. Ping Lacson kasi ay may ugaling ayaw ipagpabukas ang kanyang kayang gawin sa oras na makitang dapat na itong tapusin sa lalong madaling panahon.

Ika nga, si Sen. Lacson ay puro gawa at si PNoy ay walang awa sa mali ang ginagawa.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply