SONA ni PNoy at pagsasara ng Ford

NAKAPANGHIHINAYANG ang desisyon ng Ford Philippines na magsasara ng planta ngayong taon sa Sta. Rosa, Laguna.

Marami ang dahilan nito at ilan lang dito ang inilantad ng management ng kompanya.

Ayon sa management, napakaliit ang palengke ng sasakyan sa mahal kong Pinas.

Sa ibang salita, gawa raw sila nang gawa ng sasakyan pero kakaunti lang ang may kakayanang bumili ng kanilang mga produkto na iba’t iba ang uri.

MAHAL NA KURYENTE

Ayon sa ilang sitsit sa loob ng kompanya, ‘yang napakamahal na kuryente umano ang isang dahilan ng paglayas ng Ford Philippines.

Dito natin naalaala na ito ang isang malaking dahilan kung bakit maraming dayuhang kompanya ang ayaw na magtayo ng negosyo, mga pabrika lalo na, sa mahal kong Pinas.

Milyones buwan-buwan umano, mga Bro,  ang binabayaran ng planta at parang itong mga kompanya ng kuryente na lamang ang kanilang binubuhay.

OKEY PA NOONG WALANG EPIRA

Okey pa naman umano noong wala pa ang batas sa kuryente na Electric Power Industry Reform Act.Nang magsimulang maging mahal ang kuryente dahil sa EPIRA, ‘yun na, naghigpit na ng sinturon ang management.

Hanggang sa makapag-isip-isip na ilipat na lamang ang planta sa ibang bansa.

Sabi ng mga management, okey naman umano ang suporta ng gobyerno.

Pero kailangan na nilang lumayas at ‘yang mahal na kuryente ang isang malaking dahilan na hindi nila sinasabi  sa mga magagaling na opisyal ng gobyerno na gumawa ng nasabing batas at nagpapasasa sa ngayon.

$250M PLANTA AT 250 OBRERO

Iiwanan nila ang plantang itinayo nila sa halagang $250 milyon.

Siyempre, may kukunin sila rito at dadalhin sa Thailand na doon sila magtatayo ng bagong pagawaan ng sasakyan.

Pati ang kanilang mga obrero, mawawalan din ng trabaho.

Nasa 250 katao lahat ng ito, kasama na ang mga mekaniko, electrician, welder, drayber at iba pa.

Maaari naman umanong madeploy ang mga obrero sa iba nilang planta sa ibang bansa kung gusto ng mga ito.

$1 BILYONG SAYANG

Sayang ang taunang $1 bilyong halaga ng export na sasakyan na ginagawa ng Ford.

Mawawalan nang malaking buwis ang gobyerno.

Pero hindi lang ang buwis ang mawawala sa atin.

Pati ang mga konektadong negosyo rito gaya ng suplay ng yero, goma, bakal, pagkain, bahay paupahan, car accessories, business permit at iba pa ay mawawala na parang bula.

AUTOMOTIVE HUB MAWAWALA

May malaking panghihinayang na inaasahan sa pamahalaan.

‘Yun bang === gagawin ang Pinas na automotive hub o gawaan ng mga sasakyan sa ating rehiyon sa Asya.

Itong Ford ang ipinagmamamalaki natin na ehemplo kung paano gustong-gusto ng mga dayuhang mamumuhunan sa Pinas.

Kaso, basta na lang itong lalayas at lilipat-bakod sa Thailand.

‘Yung pangarap ng gobyerno na puno ang Pinas ng mga pabrika ng sasakyan sa 2020 ay maglalaho na siguro.

Siyempre, magkakatsismisan sa labas.

At itong Ford ang isang panggagalingan ng malaking tsismis.

Na it’s not funny in the Philippines.

WAKE-UP CALL

Sabi nila, dapat na magising ang Pinas sa bangungot na iiwanan ng Ford Philippines.

Dapat itong mag-isip-isip kung bakit ang higanteng kompanya ay basta na lamang lalayas sa Pinas.

Kahit mag-iiwan pa ito ng “kind words” na hindi naman nila lubusang iiwanan ang Pinas.

At sa katunayan, magdodoble ang kanilang sales force rito.  At mag-eexport pa rin sila sa atin ng kanilang mga sasakyan.

ANO ANG MGA PAGKAKAMALI?

Isang tanong na dapat na ibato ng mga opisyal natin sa kanilang mga sarili, eh, ano ang ating mga pagkakamali at iniwanan tayo ng isang malaking investor?

ANO-ANO ANG ATING MGA PAGKUKULANG?

Pasyal nang pasyal ang mga opisyal ng pamahalaan sa labas ng bansa para maghanap ng mga magtatayo ng mga negosyo sa Pinas.

Pero ano itong nangyayari na nilalayasan tayo ng mga naririto na?

Ang masakit nga, eh, baka ang susunod na tanong ay sinong investor ang susunod na lalayas?

SONA NI PNOY

Negosyo ang isang inaasahan ng ating bansa para tayo umunlad.

Hindi pupuwedeng ang pamahalaan na lamang ang panggagalingan ng pag-unlad ng bansa.

‘Yun bang === magbubuhos ito ng salaping bayan para sa imprastraktura para lang masabi na umuunlad na nga ang bansa.

Ngayong magkaka-State of the Nation Address si Pangulong Noynoy Aquino, ano ang tema nito sa negosyo?

MATUWID NA DAAN ‘DI SAPAT

Mula sa leksyon sa  naganap sa Ford, hindi na sapat na ipagwagaywayan sa SONA na nakapagpatanggal ang gobyerno ng Chief Justice.

Lalo’t tamang isipin na hindi naman talaga nabunot ang korapsyon na matatagpuan sa halos lahat ng ahensya ng pamahalaan.

Isa pa, isa lang ang korapsyon sa mga mabibigat na problema.

Isang magandang pagsimulan ng magandang tema sa SONA ay “bakit lumayas ang Ford sa Pinas?”

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333.

 

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply