SONA ni PNoy, sasalubungin ng protesta

MAGSASAGAWA ng Lakbayan ang mga magsasaka mula sa Southern Tagalog at Central Luzon upang salubungin ang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Benigno Aquino III. Mula Hulyo 19, magsasagawa ng caravan ang mga magsasaka upang ipakita ang tunay na kalagayan ng mga magbubukid na biktima ng kawalang lupa, pangangamkam ng lupa at inhustisya sa ilalim ng gobyerno ni Aquino.

“Sa nakaraang dalawang taon, walang nagbago sa sitwasyon ng mamamayan, laluna sa kalagayan ng masang anakpawis dahil na rin sa mga anti-mamamayan at pahirap na patakaran ni Aquino,” ani Anakpawis Rep. Rafael Mariano.

“Lubos nang nalantad ang ‘Daang Matuwid’ ni Aquino na nagsisilbi lang sa para sa mga Kamag-anak, Kaibigan, Kaklase, Kabarilan (KKKK) ni Aquino. Walang nagawa si Aquino upang mabigyang solusyon ang mga batayang isyu ng mga manggagawa, magsasaka at maralita. Nananatiling panawagan ang pamamahagi ng Hacienda Luisita, dagdag na sahod para sa manggagawa at pagbaba ng presyo ng mga bilihin,” ani Mariano.

Isa sa pangunahing tututulan ng mga magsasaka sa darating na SONA ang nilulutong Charter Change (Chacha) ni Aquino na naglalayong magbigay ng 100 porsyentong pagmamay-ari ng mga lupa sa mga dayuhang agri-korporasyon at negosyo. “Hindi mapapayagan ng mamamayan ang ChaCha lalo pa at nakatuon ito sa pagbubukas pa ng ekonomya para sa pandarambong ng mga dayuhan,” ani Mariano.

Sa darating na July 23 sa SONA ni Aquino, magpapakilos ang mga manggagawa, magsasaka at maralita upang ilantad ang mga kasinungalingan ni Aquino at ipahayag ang tunay na kalagayang ng mamamayan.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply