SONA ni PNoy

NAKAPOKUS ang pangatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino sa kapakanan ng mahihirap at kampanya kontra katiwalian.
Ito kasi ang paniniwala ni PNoy dahil ang kampanya kontra kahirapan at  laban sa korupsyon ay siyang susi upang mapaunlad ang isang estado, na matagal-tagal na rin namang nadayukdok ng mga nakaraang ganid na lider ng bayan.

Tiyak na ibibida ni Pangulong Aquino sa kanyang ikatlong SONA ang kanyang naging kampanya kontra katiwalian lalo’t higit ang ginagawa niyang paniningil sa mga nagkasala sa bayan.

Sina dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Cong. Gloria Macapagal-Arroyo, dating Philippine Amusement and Gaming Corporation boss Ephrain Genuino at dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona ang tiyak na ibabalandra ni PNoy sa ilan sa mga taong sinampulan ng kanyang pamahalaan para sa kampanya nito kontra katiwalian.

Si CGMA dahil sa paggamit ng pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa maling paraan, si Genuino dahil sa napakamahal na kape na binili ng PAGCOR at si Corona dahil sa pagkiling kay Ate Glo na alam naman ng lahat na may malaking kasalanan sa sambayanan.

Maging ang programang Pantawid Pamilyang Pilipino ni PNoy ay tiyak na aani ng palakpakan dahil sobra itong nakatulong sa mga mahihirap nating kababayan lalo’t higit yung mga nakatira sa kanayunan.

Target at hihilingin tiyak ni Pangulong Noynoy Aquino sa Kongreso na gawing 3 milyon ang benepisyaryo ng PPP na sa kasalukuyan ay mayroon nang nabiyayaan na 2 milyon.

Maging ang estado ng ekonomiya ng bansa ay tiyak na kasali sa SONA ni PNoy mamayang hapon dahil unti-unti na rin itong umaangat kasabay ang pagbabalik ng tiwala ng mga dayuhang mamumuhunan sa Pilipinas dahil parami na nang parami ang mga kapitalistang dayuhan na pumapasok sa bansa dahil na rin sa malinis na pamahalaan at daang matuwid ng kasalukuyang administrasyon.

Hindi rin palalampasin ng Pangulo ang pagtutok niya sa sektor ng edukasyon at usapin ng trabaho dahil kasali sigurado sa kanyang talumpati mamaya ang K+12 program ng Department of Education na malaking tulong para maiangat ang edukasyon ng mga kabataang Filipino.
Kaakibat ng K+12 ang pagtutok sa usapin ng trabaho o paggawa dahil ginawa ang naturang programa na may pagtingin na rin sa mga kabataan upang maihanda ang mga ito sa mga skilled na trabaho.

Marami pang tiyak na bibigkasin si PNoy sa kanyang SONA kaya’t sama-sama tayong mag-watch mamaya dahil masarap kasama ang Pangulo sa pangarap na paunlarin ang ating Inang Bayan.

###

Sa nagnanais ng pagkalinga ng pitak na ito, maaari kayong mag-email sa barangayanni_isko@yahoo.com o mag-text sa 0933636-3310.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply