Suspensiyon ng klase sa Marikina ipinamahala kay Mayor Del De Guzman

TANGING kay Mayor Del De Guzman lang ang awtorisadong tinig na maghuhudyat ng suspensyon ng klase sa Marikina.

Ito ang napagkaisahang desisyon ng mga kinauukulan matapos ang isang consultative meeting ngayong araw sa Shoe Hall ng Marikina City Hall na isinagawa ng Department of the Interior and Local Government (DILG)-Marikina sa mga lokal na opisyal ng lungsod sa pangunguna ni Mayor Del De Guzman, at dinaluhan ng mga konsehal, kinatawan ng Public Information Office, City Disaster Risk Reduction and Management Council, mga punong barangay at mga punong guro ng mga pampublikong paaralan sa lungsod.

Nilinaw sa naturang konsultasyon ang nilalaman ng Executive Order (EO) No. 66 na tumatalakay sa mga panuntunan sa pagkansela o pagsusupindi ng klase at trabaho sa tanggapan ng pamahalaan sa panahon ng bagyo, baha, at iba pang uri ng sakuna at kalamidad.

Napagkaisahan naman ng mga punong barangay na ang mga ito ang magsasagawa ng pagtatasa o assessment sa kanilang nasasakupan, at kanilang ipababatid kay De Guzman na siya namang magbibigay ng desisyon hinggil sa pagsuspindi o kanselasyon ng mga klase.

“Sa tulong ng ating mga punong barangay, ating titimbangin nang mahusay ang sitwasyon sa Marikina. Atin ding susundin nang mabuti ang isinasaad sa EO 66 lalo na ang tamang oras ng pagsuspindi ng mga klase kung kinakailangan,” wika ni De Guzman.

Nakasaad sa EO 66 ang tamang oras ng pagtatasa (assessment), pagdedesisyon (decision), at pag-aanunsyo (announcement) ng kanselasyon ng klase. Para sa mga klase sa umaga (morning shift), kailangang isinasagawa ang pagtatasa mula ika-2 hanggang ika-3 ng umaga, pagdedesisyon mula ika-3 hanggang ika-4 ng umaga, at pag-aanunsiyo mula ika-4 hanggang ika-4 at kalahati ng umaga. Samantalang sa mga klase naman sa hapon (afternoon shift), kailangang isinasagawa ang pagtatasa mula ika-8 at kalahati hanggang ika-9 at kalahati ng umaga, pagdedesisyon mula ika-9 at kalahati hanggang ika-10 at kalahati ng umaga, at pag-aanunsiyo mula ika-10 at kalahati hanggang ika-11 ng umaga.

Ayon sa DILG-Marikina, sa mga pagkakataon na hindi makakapagbigay ng anunsiyo si De Guzman, ang itinalagang focal person sa katauhan ni Public Information Officer Paul Edward Sison ang mag-aanunsiyo ng kanselasyon ng klase sa media outfit at networks, at sa iba pang uri ng komunikasyon tulad ng social networking sites kagaya ng Facebook (https://www.facebook.com/piomarikina ) at Twitter (@MarikinaPIO).

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply