Tagausig sa kaso nina Claudine at Raymart vs Tulfo nagbitiw

NAGBITIW ang tagausig na humahawak sa kaso sa insidente ng bugbugan na kinasasangkutan mag-asawang Raymart Santiago at Claudine Barreto laban kay Ben Tulfo sa NAIA.

Bumitiw si Assistant City Prosecutor Orlando Mariano makaraang maghain ng mosyon ang kampo ng beteranong mamamahayag na si Ramon Tulfo na humihiling na bitiwan na ng tagausig ang kaso dahil sa ipinakikitang pagkiling sa mag-asawa.

Itinalaga ni Chief Pasay City Prosecutor Elmer Mitra si Assistant City Prosecutor Teresa Purzuelo bilang bagong tagausig na hahawak sa kasong physical injury at child abuse na isinampa ng mag-asawang Raymart at Claudine laban kay Tulfo.

Nag-ugat ang pagbibitiw ni Mariano sa kaso matapos ang mainitang pakikipagtalo sa mga abogado ni Tulfo na sina Atty. Vitaliano Aguirre at Atty. Jovito Barte kahapon ng hapon matapos siyang akusahan ng pagiging bias o pumapabor sa mag-asawang Raymart at Claudine.

Ibinatay ng mga abogado ni Tulfo ang bintang matapos na magtakda ng pagdinig si Mariano sa panibagong kaso na isinampa naman ng isa pang sangkot sa bugbugan na si Eduardo Atilano gayung hindi pa nakakatanggap ng kopya ng demanda.

Bukod dito, marami na umanong insidente na napuna ng kampo ni Tulfo na pumapabor si Mariano sa mag-asawa na mariin namang pinabulaanan ng tagausig.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply