Telebisyon ng bayan

BAGONG istilo, kakaibang atake at mas pinalapit sa masang Filipino ang mga matutunghayan nating programa sa People’s Television Network 4 dahil sa repormang ginawa ng bagong pamunuan nito upang makatawag pansin sa mga viewer na kakaiba na ang panlasa at makasabay na rin sa ibang istasyon.

Layunin nitong maipahayag sa publiko ang mga ginagawa ng gobyerno at ma-entertain na rin ang sambayanan.Matutunghayan natin ngayong Hulyo ang kakaibang programa sa PTV 4 kaakibat ang mas pinaganda, mas kaaya-aya at estilong may pusong Pinoy na tiyak na maglalapit sa nasabing istasyon sa tao dahil sa kakaibang paraan na gagawin nito para maisalarawan ang mga ginagawang proyekto ng gobyerno.

Ayon kay PTV 4 Network General Manager Cleo Dongga, isang pangmatagalang solusyon ang ginawa at ihahandog sa publiko ng natatanging istasyon na pinatatakbo ng gobyerno na walang kinikilingan at buo ang layuning ihatid sa manonood ang programa ng pamahalaan.

Base rin kay Dongga, lubos ang suportang ibinibigay ng lahat ng ahensya at departamento ng pamahalaan sa modernong pagbabago ng istasyon hindi lamang sa mga programa nito kundi pati na rin sa ilang transmission facilities.

Bilang simbolo ng pagbabago, maging ang logo ng istasyon na ating matutunghayan ay kakaiba na rin dahil sa bagong imahe na gusto nitong ipakita sa publiko.

Ang hugis na “P” sa makabagong logo ay nangangahulugan na ang naturang istasyon ay para lang sa paglilingkod sa publiko (people).
Ang buntot naman nito na hugis “thought balloon” ay kumakatawan at nagtutulak sa mga manonood na buksan ang isipan, kumilos at maghanap ng solusyon base sa mga impormasyon na makukuha sa panonood dito.

Ang puwang sa gitnang bahagi ng logo na mukhang isang TV set ay nagpapakita naman na ang PTV 4 ang siyang tinatangkilik at sinusubaybayan ng mga manonood.

Ang mga makasimbolismong bagay na nabanggit patungkol sa pagbabago ng logo ng PTV 4 ay isinaliw sa kulay na “aqua blue” na laging mukhang sariwa (fresh) katulad ng mga balita at impormasyong isasapubliko ng istasyon.

Kasabay ng mga pagbabagong ito ang paglikha ng bagong islogan na “Telebisyon ng Bayan” na siya namang ikakabit sa pangalan ng PTV 4 na nagpapahiwatig na ito ay patuloy sa paghahatid ng impormasyon tungkol sa mga programa ng gobyerno na higit na kailangan ng mamamayan.

Ang bagong tunog, itsura at pakiramdam na matutunghayan sa PTV 4 ay panimula lamang.

Ang pagbabagong dala ng “Telebisyon ng Bayan” ay isang masidhing pagsigaw na ang istasyon na kailangan ng publiko’y narito na, kumakatok, umaarangkada at bumubusina ng pagbabago.

 

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply