Testigo ng Comelec vs Abalos, di nakasipot sa pagdinig

NAUDLOT ang nakatakda sanang pagdinig sa kasong electoral sabotage na isinampa laban kay dating Commission on Election (Comelec) Chairman Benjamin Abalos sa Pasay City Regional Trial Court (RTC) matapos hindi makarating ang testigong si dating South Cotabato Provincial Election Supervisor Lilian Suan Radam.

Diringgin sana sa sala ni Pasay RTC Judge  Eugenio dela Cruz ng Branch 117 ang hirit ng tagausig na tanggalin bilang akusado sa kaso si Radam upang magamit ng pamahalaan bilang state witness subalit hindi ito nakarating sanhi ng umano’y pagkakaroon ng karamdaman.

Sa isinumiteng photocopy ng medical certificate ni Radam ng tagausig sa korte, nakasaad na dumanas ng hypertension at diabetic neuropathy si Radam at kasalukuyang nakaratay sa isang ospital. Hindi naman ito kinagat ng depensa kaya’t binigyan ni Judge dela Cruz si Senior State Prosecutor Maria Elvira Herrera ng tatlong araw upang isumite ang orihinal na kopya ng medical certificate.

Aminado si Herrera na maging sila at ang abogado ni Radam na si Atty. Nena Santos ay hindi kaagad naabisuhan ng Witness Protection Program (WPP) nang isugod sa pagamutan si Radam kaya’t photocopy lamang ng medical certificate ng testigo ang kanilang nakuha.

Duda naman ang kampo ni Abalos sa pagkakaudlot sa pagdinig sa hinalang umiiwas si Radam na humarap sa korte dahil posibleng ibasura na ang hirit niyang matanggal bilang akusado lalu na’t pinahintulutan na ni Judge Dela Cruz na makapaglagak ng piyansa ang akusado.

Itinakda naman ng hukuman ang susunod na pagdinig sa Setyembre 5, 2012.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply