Testing sa mga PCOS tapos na – Comelec

INIULAT ng Commission on Elections (Comelec) na natapos na nila ang isinagawang testing sa may 82,000 precinct count optical scan (PCOS) machines na gagamitin sa 2013 midterm elections at may 1,000 sa mga ito ang depektibo.

Ayon kay Comelec Chairman Sixto Brillantes, Jr., kaagad nilang isasauli sa Smartmatic ang mga depektibong makina dahil hindi na maaari pang gamitin ang mga ito.

Naniniwala naman si Brillantes na hindi magiging problema ang mga depektibong makina dahil nakabili naman na noon ang Comelec ng 900 PCOS machines para sa isinagawa nilang special elections, habang may 2,000 iba pa ang nai-deliver na.

Samantala, may 50,000 naman umano sa mga PCOS machines ang nakapasa sa hardware acceptance testing habang 30,000 pa ang naka-quarantine dahil sa pagkakaroon ng iba’t ibang depekto, tulad na lamang ng sirang adaptor.

Tiniyak naman ni Brillantes na kaagad na papalitan ang mga sirang bahagi ng mga PCOS machines bago muling isailalim sa panibagong pagsusuri.

Kaugnay nito, inaasahang sisimulan na rin ng Comelec sa susunod na linggo ang bidding sa iba pang kontrata at serbisyo na kinakailangan para sa halalan sa susunod na taon.

Kabilang dito ang kontrata para sa configuration, ballot boxes, ballot box printing, transmission at technical support, na nagkakahalaga ng P6 bilyon.

Sa Lunes umano ay sisimulan na rin ang pagbubukas ng mga selyadong bids para sa warehouse na paglalagakan ng mga PCOS machines.

Aniya pa, hihilingin rin ng poll body sa mataas na hukuman na payagan silang gamitin na lang ang mga ballot boxes na ginamit sa electoral protest ng natalong vice presidential candidate na si Mar Roxas upang makatipid sila ng P200 milyon.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply