The next chief justice

MARAMI nang nominado na isinumite sa Judicial and Bar Council para maging susunod na Chief Justice. Mas interesado ngayon ang tao kung sino ang susunod na Punong Mahistrado kaysa dati dahil nga sa pagpapatalsik kay Renato Corona.

Kanya-kanyang opinion kung ano ang dapat na katangian ng next Chief Justice. At nadagdagan pa ng requirement tulad ng pag- pirma ng waiver ng bank accounts, psycho tests at kung ano- ano pa. May mga nagsasabi na dapat ay isang “INSIDER” ang maging Chief Justice. Ibig sabihin, isa sa limang senior associate justices. Dapat daw ay si Justice Antonio Carpio na dahil siya ang pina-ka-senior sa justices. May ilan namang nagmumungkahi na isang “OUTSIDER” o hindi isa sa kasalukuyang justices. At lumutang na nga ang ngalan nina BIR chief Kim Henares at DOJ Sec. Leila de Lima. May ilan naman na ang gusto ay sa pribadong sektor manggaling o sa academe ang Chief Justice.

Pero may mga nagsabi na drama lang yang mga nominasyon sa Judicial and Bar Council dahil sa ini-impeach pa lamang si Corona ay may napili na ang Malacañang kung sino ang ihahalili kay Corona.

Bagama’t ang “official” na pahayag ay may independence ang judiciary sa executive at legislative department, hindi mawawala ang duda na “bata” ng Malacañang ang susunod na Punong Mahistrado. Ganunpaman ang mahalaga ay kahit na “bata” siya ninoman, pag upo niya bilang Chief Justice ay hindi siya magiging sunod-sunuran kahit kaninoman at tanging konsensya niya at ang batas ang susundin. “NO MASTER BUT GOD, NO MAJESTY BUT LAW,” ika nga.

Kailangan din na may “managerial skills” ang susunod na chief justice. Sigurado namang lahat ng nominado ay matatalino at may good moral character kahit paano. Pero ilan kaya sa kanila ang may karanasan na humawak ng budget ng isang departmento, mag-manage ng mga empleyado sa gobyerno. Hindi lang magbigay ng hatol at opinion sa kaso ang gagawin ng mahistrado kundi siya ang magiging pinuno ng buong “judicial department” ng pamahalaan. Kaya’t para sa akin dapat, mahusay din siyang manager o administrador.

Kailangan din na hindi identified sa isang “political camp” ang susunod na chief justice.

Mahirap ito dahil sa kahit sinong nominado ay siguradong may koneksyon sa mga taong makapangyarihan. Siguradong pagdududahan na nga yan, ika nga. Halimbawa kung si BIR Chief Kim Henares ang piliin ng Pangulo, siya ba ay galing sa “PURISIMA GROUP”? O kung si Justice Carpio na kasama sa “THE FIRM”?

Pag nagkaduda sa “koneksyon”, baka wala na tayong mapili sa kahit sinong nominado.

Ganoon man, galing man siyang “BALAY” o “SAMAR”, “INSIDER” o “OUTSIDER”, ang mahalaga ay pagsumpa niya bilang Chief Justice ay para sa hustisya siya at hindi para kanino man.

At the end of the day, “luto man o hindi pa”, ang susunod na Punong Mahistrado, sana sa pag upo niya ay mapapatunayan niya na HE OR SHE IS THE CHIEF JUSTICE OF THE REPUBLIC OF THE PHILIPPINES, at hindi niya tatakbuhan o tatalikuran ang kanyang sinumpaang tungkulin sa ilalim ng Saligang Batas.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply