Tsuper dedo sa kabaro, 1 pa sugatan

PATAY ang isang jeepney driver makaraang pagsasaksakin ng kabaro nito sa Sta. Cruz, Maynila kaninang madaling araw.

Hindi na umabot sa Jose Reyes Memorial Medical Center, sanhi ng malalalim na saksak sa iba’t ibang parte ng katawan ang biktimang si Christopher Yahut Y Linggo, 36, may-asawa ng 116 P.Alonzo St., Balut Tondo, Maynila.

Inoobserbahan din sa nasabing pagamutan si George Quejada Y Atienza, 53 anyos, may-asawa ng Blk.4 lot 26 Golden City, Imus Cavite sanhi ng mga tama ng patalim sa kaliwang braso at sa kamay.

Mabilis namang tumakas lulan ng kanyang pampasaherong dyip (PXW-914) ang suspek na nakilala lamang sa alyas “Edwin” na kapwa nila jeepney driver na bumibiyaheng Baclaran at Blumentritt.

Batay sa ulat na isinumite ni Det.Glenzor Vallejo kay P/Sr.Insp. Joselito de Ocampo, hepe ng Manila Police District-Crime Against Persons Investigation Section, dakong 12:01 ng madaling araw nang maganap ang nasabing insidente sa loob ng pampasaherong jeep sa paradahan ng biyaheng Baclaran Via Blumentritt sa panulukan ng Aurora Boulevard at Cavite St., sakop ng Sta. Cruz.

Nauna rito, dumating ang suspek, dahil nawawala umano ang kanyang clutch bag na naglalaman ng mahahalagang dokumento.

Mismong si Yahut pa ang katuwang umano nito sa paghahanap, at ng hindi makita ay umalis na ang suspek, lasing na nang magbalik ang salarin, at habang nasa kahimbingan na umano ng tulog ang dalawang tsuper sa loob ng jeep (PXB-482) ni Yahut ay dito na sila pinagsasaksak.

Matapos ang pananaksak ay mabilis na tumakas ang suspek at naiwang duguan ang mga biktima.

Magkasabay na isinugod ang dalawa sa naturang pagamutan, subalit sa daan pa lamang ay binawian na ng buhay si Yahut, habang patuloy na inoobserbahan si Quejada.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply