UPDATE: 4 nakapugang preso sa Ozamiz jail, balik-selda na

APAT sa 12 preso na nakapuga mula sa Ozamis City jail nitong nakaraang Sabado ang nakuwelyuhang muli ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) tracking team, ayon sa ulat kaninang umaga ni BJMP officer-in-charge Chief Superintendent Diony M. Mamaril.

Sinabi ni Mamaril na ang 4 na preso ay naaresto nitong Linggo ng gabi (Hulyo 29), isang araw matapos samantalahing makataas habang malakas ang ulan sanhi ng Tropical Storm Gener.

Kinilala ni Mamaril ang natiklong preso na sina Angelito Pepito na may kasong statutory rape, Ronie Tumapon, may kasong theft; Wilfred Giolen, may kasong grave threats at Jojie Pabingwit na may kasong frustrated murder.

Sinabi naman ni BJMP OIC, Legal Service and Spokesman C/Insp. Roy Panti Valenzuela na tuloy pa rin ang hot pursuit operations sa walo pang nakapugang preso.

Kinilala ang pito sa walo na sina Wilfedo Panongalinga, Jr., Mario Elumbaga. Harry Alfeche, Frevilito Gabigas, Jr., Angelo Bacus, Jomar Pelago, Roger Felicilda habang hindi naman pinangalanan ang isa.

Sa kautusan ni DILG Secretary Jesse Robredo, sinabi ni Valenzuela na isinalang na sa imbestigasyon ang mga duty officer na sina JO3 Roy Tuarez, JO1 Jason dela Cerna at OIC Warden SJO4 Edgar G. Tapayan, na siyang  acting OIC-Warden habang si Ozamis City Warden Insp. Murphy Podyog ay naka-leave.

Nauna rito, sinibak na ni Robredo at ibinaba pa ang ranggo at sasampahan ng kasong administratibo at kriminal sina Tapayan, Tuarez at Dela Cerna.

Hindi lang ito ang kauna-unahang insidente na naganap sa Ozamis City jail dahil noong Abril 28, 2010, anim na kilabot na kriminal ang nakatakas din sa nasabing kulungan nang manakaw ang susi sa prison door mula sa kanilang jail guards na naiwan sa kanyang mesa.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply