UPDATE: De Lima sumalang na sa JBC interview

SUMALANG na ngayon sa interview ng Judicial and Bar Council si Justice Secretary Leila de Lima.

Bago sumalang si De Lima, unang ininterbyu sina PCGG Chairman Andres Bautista at Soledad Cagampang-De Castro.

Sa kanyang pagsalang sa panayam, maraming isyu ang napag-usapan dahil si De Lima umano ay laging kontrobersyal ukol sa ilang usapin.

Kabilang sa mga napag-usapan ay ang tungkol sa kanyang disbarment case at political career kung saan sinabi ni JBC member Neil Tupas, Jr. na marami siyang hinawakan na pwesto sa gobyerno tulad ng pagiging hepe ng Commission on Human Rights at pagiging Kalihim ng Department of Justice.

Sa interview, mariing itinanggi rin ni De Lima nasiya ay magiging alter ego ni Pangulong Benigno Aquino III, kung maitatalagang susunod na Chief Justice

Iginiit ng Kalihim na siya ay indipendiyente at hindi sunud-sunuran sa sinumang opisyal ng administrasyon.

“I am not beholden to anyone… I will not have accepted the nomination if I am not sure of the strength of my character.”

Sinabi rin ng Kalihim sa interview na hindi nakasaad sa rules ng JBC na maaaring idiskuwalipika ang sinumang nominado sa pagka-punong mahistrado na bahagi ng kasalukuyang administrasyon.

Kumpiyansa rin si De Lima na maibabasura ang disbarment case laban sa kanya na nakabinbin pa rin ngayon sa Integrated Bar of the Philippines (IBP).

Magugunitang binigyan ng JBC si De Lima nang hanggang Hulyo 30 para ayusin ang kanyang disbarment case. Sakaling hindi misakatuparan ito ng Kalihim ay hindi siya isasama ng JBC sa botohan para sa shortlist ng mga nominado na isusumite naman kay Pangulong Aquino.

Ani De Lima, hiniling na niya sa IBP na magpalabas na ng resolusyon sa kaso.

Kung sa sakaling mahirang, si De Lima ang kauna-unahang babae na Chief Justice sa kasaysayan ng Pilipinas.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply