Updated ang version ni Eugene Domingo ng ‘Bona’ ni Ate Guy!

SA HULING linggo ng Agosto pala magsisimulang itanghal ng PETA (Philippine Educational Theater Association) ang stage version nila ng “Bona” kung saan ang gaganap sa title role ay si Eugene Domingo.

Sa mga bata pa at walang muwang sa mga lumang dakilang pelikula, si Nora Aunor “lang” naman ang gumanap na Bona sa direksyon ni Lino Brocka (na yumao na ilang taon ang nakararaan). Si Bona ay isang fan na nagpaalipin sa iniidolo n’yang aktor-aktoran na isang stuntman “lang” naman na halos extra lang ang mga nakukuhang role. Sa pelikula, si Phillip Salvador ang gumanap sa mapagsamantalang “idol” na yon.

Sa bersyon ng PETA, si Edgar Allan Guzman ang gaganap na aktor-aktoran na kahuhumalingan ni Bona. May theater experience na rin pala si Edgar. Nakaganap na pala siya sa mga pagtatanghal ng Florante at Laura at Ibong Adarna. Sumikat siya nang husto this year dahil sa napanaluhang awards para sa acting n’ya sa indie film na Ligo Na U, Lapit Na Me.

Actually, hindi ang mismong pelikulang Bona nina Brocka, Guy, at Ipe ang isasadula ng PETA kundi sarili na nilang bersyon ng kuwento ng isang babaeng nahumaling sa isang lalaking pagsasamantalahan ang “katangahan” n’ya.

Sa pelikulang Bona, estudyante si Guy, (na anak-mahirap siyempre pa) pero sa PETA version, call center agent si Bona, at struggling actor-wannabe naman si Edgar Allan. Mukhang bagay naman kay Edgar ang role.

Samantala, hindi pa ipinamamalita ng PETA kung sinu-sino pa ang ibang gaganap sa pagtatanghal nila. Natatandaan naming si Rustica Carpio ang gumanap na nanay ni Guy at si Venchito Galvez yung tatay. Stage actress na stage actress din naman si Rustica at buhay na buhay pa, pero mukhang abalang-abala siya sa TV assignments sa mga panahong ito.

Nag-Google kami at nadiskubre naming may ilang taon na ring yumao si Venchito na maraming pelikula palang nagawa sa direksyon ni Brocka.

Mukhang isa siya sa mga paboritong aktor ni Brocka. Ang na-Google namin na huling pelikula n’ya kay Brocka ay ang Kapit Sa Patalim (Bayan Ko) kung saan itinampok sina Phillip Salvador at Gina Alajar.

Oo nga pala, sabi ni Edgar sa isang interview, ka-alternate n’ya sa role si Paulo Avelino pero hindi nabanggit yon sa nabasa naming impormasyon tungkol sa Bona sa website ng PETA.

***

USONG-USO ang mga child star ngayon, pero ‘di naman pala lahat ng magaganda at talented na bata ay atat mag-artista. May mga batang gustong maging singer “lang”– at isa na rito ay ang napakagandang batang singer na si Eurika (yes, isang pangalan lang ang gamit n’ya sa showbiz).

May self-titled album na siya, kung saan pang early teens na yung mga kanta: tungkol sa pagkakaroon ng crush, pagkakilig tuwing nakikita ang type na boy. Mga ganu’n lang, dahil 12 years old pa lang naman si Eurika, at first year high school pa lang siya ngayon. (At totoong first name nga pala n’ya ang Eurika. Lahat silang magkakapatid ay nagsisimula ang mga pangalan sa “E,” at ‘di pangkaraniwan ang mga iyon.)

“Kung Pwede Lang” ang carrier song na album at pinapatugtog na rin ito sa maraming music stations sa radyo. May hip hop number rin sa album, may tungkol sa environment, at may nationalistic song din.

Nagpu-promote na rin siya ng album n’ya sa mga mall at sa ilang radio stations. Dati nga palang band singer ang nanay ni Eurika (at ang ama naman n’ya ay may outdoor advertising business).

Ayon sa ina ni Eurika, halos 100 songs na ang memorize ni Eurika at kaya n’yang kantahin nang live. Dahil na rin siguro sa influence ng kanyang ina, malawak ang musical interest ni Eurika. Pati nga raw jazz songs nina Ella Fitzgerald at Sarah Vaughn, naa-appreciate rin ni Eurika.

Ayon naman sa ama nito, kung mag-aartista ang anak n’ya, malamang ay pagkatapos na nito ng college pwedeng mangyari yon. Kaya sa mga mahilig sa magagandang bata na may authentic talent, buy na lang kayo ng album n’ya: Eurika!

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply