Utos ni PNoy dedma kay Paje

PAKIWARI natin, eh, wala nang puwang sa liderato ni Pangulong Noynoy Aquino si Department of Environment and Natural Resources Secretary Ramon Paje.

Kung noon ay si Agham Partylist Rep. Angelo Palmones lang ang sumisigaw ng kanyang pagbibitiw, ngayon ay dumarami ang  nagpapalayas kay Paje sa puwesto. Dahil siguro nabubuwisit na rin sa kapalpakang pinaggagawa ni Paje, hiniling na rin ni Ilocos Norte Governor Aimee Marcos ang pagsibak sa DENR boss.

Wala raw silbi ang kalihim dahil mahina ang kanyang pamumuno. Patunay, aniya, ay ang kaliwa’t kanang kalokohan na nangyayari sa DENR. Ang pagpayag ng DENR sa pagtatayo ng floating restaurant para gawing ‘ibakan’ ang Taal lake ay isa lang daw sa kapalpakan ng ahensya at ni Paje.

Ang dumaraming mining operation na sumisira sa kalikasan at nagiging dahilan ng baha at trahedya ay isa pang malaking kasalanan na ibinabato sa kalihim. Pero ang isa pang kapalpakan na isinisisi sa kanyang liderato ay ang ‘di mapigil-pigil na illegal logging na dahilan ng pagkakalbo ng kabundukan.

Patunay na buhay na buhay ang illegal logging ay ang nasabat ng National Bureau of Investigation agents na milyon-milyong halaga ng illegal logs kamakailan sa pier. Galing ang mga troso sa mga bun-dok ng Mindanao na iligal na pinutol ng sindikato ng troso na may ugnayan sa tiwaling DENR officials.

Bukod kina Rep. Palmones at Gov. Marcos, hiniling din ng gru-pong Kilusan Kontra Kabulukan at Katiwalian (4K kay PNoy na tang-galin na sa puwesto si Paje.

Ayon kay Sec. Gen. Rodel Pineda, dapat na raw itigil ni PNoy ang pagsuporta kay Paje na ilang beses nang na-bypass ng Commission on Appointments. Dahil, ayon pa kay Pineda, si Paje ang numero unong sumasalungat sa order ng Pangulo na total log ban operation para mailigtas ang kalikasan sa pagkasira.

Ayon kina Palmones, Marcos at Pineda, ang utos ng Pangulong Aquino na total log ban ay ‘di inaaksiyunan bagkus sinasalbahe pa raw ni Paje. Bukod sa kabundukan ng Mindanao, ang operasyon ng illegal logging sa kabundukan ng Sierra Madre ay ‘di rin masawa-sawata ng DENR chief.

Ang talamak na illegal logging sa Sierra Madre ang itinuturong ugat ng flash flood sa Quezon, Bulacan at Aurora province.

Ang mga dumating na nakaraang flash floods ang kumitil sa maraming buhay, sumira ng milyon-milyong halaga ng mga pananim at mga bahay.

Sa dami ng kapalpakan ni Paje, bakit nga ba ‘di pa umaaksiyon ang Palasyo?

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply