VOM flood control project nabaon sa limot

WALA pa ring balita kung itutuloy pa ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang Valenzuela, Obando and Meycauayan (VOM)  flood control project dahil wala man lamang kahit na katiting na impormasyon ang pamahalaan kaugnay ng nabanggit  na proyekto na lubhang kailangan ng mga residente sa naturang area .

Ilang taon na rin naman ang nakalipas magmula noong magturuan ang mga opisyal ng pamahalaan kung sino ang magsasakatuparan ng VOM at ilang taon na rin ang nakalipas magmula nang balakin ang naturang flood control project pero mukhang ang drawing board yata ng DPWH ay hindi pa nasisimulan para sa makabuluhang proyekto na mag-aahon at sasagip sa mga taga-Valenzuela,Obando at Meycauayan.

Para sa kaalaman ng lahat, ang VOM project ay kadugtong ng CAMANAVA flood control project na kung saan ito ang mag-aayos ng mga lugar sa northern part ng Metro Manila para hindi bahain at kung bahain man ay mabilis itong mawawala.

Pero maging ang Camanava flood control project na inabutan na ni DPHW Sec. Rogelio Singson ay hindi pa rin tapos dahil sa kadahilanang ubos na raw ang salapi para sa proyektong ito na lubhang nakapagtataka at kahina-hinala.

Para sa ating mambabasa, kaya kasama muli ang lungsod ng Valenzuela sa VOM project ay dahil hindi naman ito isinama ng  DPWH sa CAMANAVA flood control projects kung hindi malinaw na ito ay isang papogi lamang para magmukhang malawakan ang proyekto.

Sa maikling salita, sa titulo lamang kasama ang Valenzuela ng CAMANAVA flood control project pero ang totoo ay kahit na katiting na proyekto, programa at pondo ay walang inilaan o dumating sa lungsod na ipinangalan sa dakilang bayaning si Dr. Pio Valenzuela.

Ilang taon din nating ipinaglaban sa Sangguniang Panglungsod ng Valenzuela noong tayo’y kabilang pa sa mga konsehal nito ang VOM pero malinaw sa mga pahayag ni Engr. Macariola Bartolo, in-charge sa VOM project na nasa planning stage pa rin ang proyekto at sa 2016 pa raw ang implementasyon nito dahil mangagaling daw ang pondo nito sa bansang Hapon.

Ilang balik-balik din si Bartolo sa sesyon ng Valenzuela City Council noon dahil hindi tayo tumigil sa pagpukpok sa naturang proyekto dahil tayo ang pinuno ng Flood Control Committee ng naturang kapulungan at alam natin ang problemang nabanggit dahil biktima tayo ng baha,baha at lumulubhang pagbaha sa lungsod.

Pero mukhang lumalabo ang sitwasyon ng VOM sa ngayon dahil mukhang hindi pa naaprubahan ang plano nito ng mga bossing sa DPWH at posibleng malagay na rin ito sa isa sa mga inaamag na proyekto ng naturang tanggapan.

Palala na po ng palala ang sitwasyon ng baha sa Valenzuela,Obando at Meycauayan na nangangailangan ng dagliang pagtugon at aksyon kaya ko ginawa ang panawagang ito dahil libo-libong kabahayan at daang libo ring mamamayan ang nahihirapan at patuloy na maghihirap kapag hindi tinugunan ng DPWH ang naturang proyekto.

Ang masakit nito, kabuhayan ang nawawala sa mga lugar na nabanggit dahil ang baha na siyang nagpalubog sa area na ito ang maglulubog rin sa ekonomiya ng VOM kaya’t madaliang aksyon ang kailangang rito at iyan an gating panawagan sa DPWH maging kay Pangulong Noynoy Aquino.

###

Sa mga naghahangad ng pagkalinga ng pitak na ito, maaari kayong mag-email sa barangayanni_isko@yahoo.com o mag text sa 09336363310.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply