Walang ‘kudeta’ vs Enrile – Chiz

IBINASURA ni Senador Francis “Chiz” Escudero ang umuugong na magkakaroon ng palitan sa liderato ng Senado matapos umingay ang koalisyon ng tatlong malalaking partido sa Mataas na Kapulungan.

Sa panayam ng radio, sinabi ni Escudero na si Senador Juan Ponce Enrile pa rin ang uupong Senate President sa Lunes taliwas sa umuugong na balita.

Umugong nitong linggo ang ideya na magkakaroon ng palitan sa liderato ng Senado matapos maging positibo ang nilulutong koalisyon ng Liberal Party (LP) sa Nacionalista Party (NP), Nationalist Peoples Coalition (NPC) at Laban ng Demokratikong Pilipino (LDP) sa 2013 elections.

Kung mapaplantsa kasi ang koalisyon ng LP sa tatlong partido, 12 senador ang kumakatawan ng koalisyon sa Senado at kulang na lamang ng isang boto para patalsikin si Enrile bilang Senate President.

May apat na miyembro ang LP sa katauhan nina Senador Franklin Drilon, Francis “Kiko” Pangilinan, Ralph Recto at Teofisto Guingona III habang ang NP ay may limang miyembro na sina Senador Manny Villar, Alan Peter Cayetano, Pia Cayetano, Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Antonio Trillanes IV.

Habang sa NPC, ang mga miyembro nito ay sina Senador Loren Legarda at Vicente “Tito” Sotto III at ang LDP ay si Senador Edgardo Angara.

Kaalyado din ni Villar sina Senador Joker Arroyo (Independent) at Lito Lapid (Lakas-CMD).

Ngunit, ayon kay Escudero, wala siyang naaamoy na pagkilos para puntiryahin ang puwesto ni Enrile sa nilulutong pakikipagkoalisyon ng LP sa NP, NPC at LDP.

“Wala akong nakikitang changes sa liderato ng Senado hanggang sa matapos ang Kongresong ito hanggang 2013 dahil stable at walang rason para alisin o palitan si Manong Johnny, si JPE bilang Senate President,”pagtiyak ni Escudero nang maging panauhin sa isang programa ng himpilang DZRH.

Kung magkakaroon man ng bagong Senate President, sinabi ng senador na baka sa Hulyo 2013 pa ito mangyari sa ilalim ng 16th Congress.

“Siyempre palaging ibang usapan pagkatapos ng 2013 elections, bagong Kongreso iyan at bagong mga miyembro iyan. maaaring baka may bagong majority at minority at baka may bagong pogi na lumabas pero hindi natin alam kung sino uupo bilang Senate President,” pagtatapos ng senador.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply